Tatlong transporter ng damo, natimbog

LA TRINIDAD, Benguet – Nasakote ng magkakasanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Banaue Municipal Police Station ang tatlong kalalakihan na tangkang ipuslit ang mga dried marijuana leaves mula Kalinga, na may halagang P720,240.00 sa Banaue, Ifugao.

Nabatid kay PDEA regional director Edgar Apalla na ang mga nadakip na transporter ay sina Michael Mercado Perez, 42, businessman, ng Rizal, Nueva Ecija; Mike Galunio Montinola,
driver, 38, gym instructor, ng Gonzales St. B.F. Homes, Parañaque City; at Erickson Garlitos Estanislao, 40, may-ari ng sasakyan, ng Calderon St., BF Manresa, Parañaque City.

Ayon kay Apalla, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa concerned citizen kaugnay sa kalalakihan na magbibiyahe ng marijuana lulan ng Blue Ford Ranger mula sa Kalinga, na dadaan sa highway ng Barangay Tam-an, Banaue, Ifugao.

Habang nagsasagawa umano ng checkpoint ang kapulisan isang car accident ang naganap hindi kalayuan sa lugar at agad silang nagresponde para tumulong. Habang nag-iimbestiga ay
namataan nila ang sasakyan na naaksidente na kanilang inaabangan.

Nang tingnan nila ang loob nito ay nakita ang mga marijuana. Hindi na nakapalag ang mga suspek nang tuluyang siyasatin ng pulisya ang loob ng sasakyan at nakita ang walong pack ng dried Marijuana leaves na nakabalot sa transparent na cellophane at isang maliit na piraso na dried Marijuana leaf, na sa kabuuan ay may halagang Seven Hundred Twenty Thousand Two Hundred Forty Pesos.

Ang mga suspek ay kinasuhan ng paglabag sa R.A 9165 sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na ngayon ay nakakulong sa Banaue Municipal Jail, habang ang sasakyan ay naka-impound sa police station.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon