Towing ordinance, ipinatupad

LUNGSOD NG BAGUIO – Inanunsyo ng City Engineering Office (CEO) ang muling pagarangkada ng towing ordinance na naunang ipinasa ng local legislative body noong Enero 2019 para maiwasan ang pagbara sa kalsada at lansangan ng mga sasakyang humaharang
sa maayos na daloy ng trapiko.
Ayon kay CEO Traffic and Transport Action Division (TTAD) chief Januario Borillo, ang mga opisyal ng barangay at mga residente na nagnanais na matanggal ang mga sasakyang nakaparada sa gilid ng kanilang kalsada ay mangyari lamang na makipagugnayan
sa CEO TTAD para ito ay agad maaksyonan.
Dagdag pa ni Borillo na ang mga towed motor vehicle ay dadalhin sa pay parking area ng lungsod, sa Burnham Park o sa CEO compound sa Lower Rock Quarry para mapangalagaan ang mga ito habang hinihintay ang may-ari na kunin ang nasabing mga sasakyan matapos bayaran ang mga kaukulang multa.
“Since January, there are 30 vehicles towed, 10 were dilapidated. We coordinate with people within the vicinity of the towed motor vehicles for them to inform the owner to coordinate with us on how to claim their vehicles,” ani Borillo.
Ang singil sa pag-tow ay nagkakahalaga ng P1,500 sa unang 4 na kilometro para sa mga sasakyang magagaan na may timbang na mababa sa 4,500 kilo; P2,500 para sa unang 4 na kilometro ng mga medium na sasakyan; at P4,500 naman para sa unang 4 na kilometro ng mga mabibigat na sasakyan.
May karagdagang bayad na P200 kapag lumagpas sa 4 na kilometro mula sa lugar ng towing papunta sa impounding area.
P500 naman ang storage fee sa bawat araw ng sasakyan sa impounding area.
 
Saissem Hortelano, UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon