Turista arestado dahil sa marijuana

LA TRINIDAD, Benguet – Dalawang indibidwal ang inaresto ng pinagsanib na pwersa ng operatiba ng Banaue Municipal Police Station at mga miyembro ng 1504th Coy, Regional Maneuver Force Battalion-15 dahil sa pagdadala ng mga iligal na droga sa checkpoint ng Sitio Mt. Polis, boundary ng Mountain Province at Ifugao noong hapon ng Lunes, Abril 1.
Nagtangkang ipuslit ng kinilalang mga suspek na sina Dave Archer Canlas Tiozon, 20, at Xeus Marquez Dela Cruz, parehong residente ng Quezon City ang mga dahon ng marijuana palabas ng Cordillera kung saan pinaniniwalaang ito ay ibebenta sa Maynila.
Si Tiozon at Dela Cruz ay nakasakay sa isang bus ng CODA line na patungo sa Cubao, Quezon City nang ito ay parahin ng mga pulis. Ang mga suspek ay inaresto matapos makitaan ng mga dahon ng marijuana sa kanilang mga gamit.
Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay kinabilangan ng 11 bags ng mga dahon ng marijuana na nakabalot sa transparent na cellophane at may timbang na walong kilo at nagkakahalaga ng P96,000.
Sinabi ni PRO-COR regional director at chief superintendent Rolando Nana na nakikipagcoordinate ang pulisya at Philippine drug enforcement agency (PDEA) upang puksain ang mga plantasyon ng marijuana sa mga tri-boundary na itinuturing ng mga cultivator ng marijuana bilang isang strategic location.
Patuloy ang imbetigasyon ng PDEA at PNP upang malaman ang pinagmulan ng mga dahon at malaman kung sino ang supplier nito.
Si Tiozon at Dela Cruz ay sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 or Republic Act No. 9165.
 
Saissem Hortelano, UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon