Van nahulog sa bangin,1 patay,11 sugatan

TUBA, Benguet – Namatay ang isang laborer, samantalang 11 ang nasugatan, nang mawalan ng preno at mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang van sa may Sitio Parasapis, Barangay Toybungan Road, Tabaan Norte, Tuba, Benguet.

Sa ulat ng ng Tuba Municipal Police Station, ang namatay ay nakilalang si Renante Pig-ang Garcia, 41, tubong Pugo, La Union at nakatira sa Sitio Toybongan, Tabaan Norte.

Ang mga nakaligtas na nasugatan ay sina Precy Bansulay Bangayan, 31; Nilda Bansulay Labot, 44; Emily Miguel Pagnas, 45; Ana Dulagan Romero, 47; Ronalyn Pablo Bansulay, 18; Benita Pagnas Paran, 60; Linda Labot Lamsis, 49; Marvin Bibcan Dictaran, 35; Joven Copero Ayban, 18, driver; Riza Miguel Pagnas, 3 at Jimwell Romero, 6.

Sa imbestigasyon, ang mga biktima ay lulan ng Delica van na may plakang KCR 810, dakong alas 7:30 ng umaga ng Enero 9, pababa sa Pugo, La Union, nang mawalan ito ng preno at nagtuloy-tuloy sa may 50 metrong lalim ng bangin.

Agad naisugod sa hospital ng mga nag-respondeng rescue groups ang 10 biktima,maliban kina Garcia at Dictaran na naiwan dahil naipit ito sa loob ng sasakyan. Nang matanggal sila ay agad din isinugod sa pagamutan, subalit idineklarang dead on arrival si Garcia.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon