VCM roadshow sa Baguio isinagawa ng Comelec

Nagsagawa ang Commission on Elections (Comelec) noong Lunes (Enero 28) ng apat na araw na roadshow para ipagbigay-alam sa mga botante kung ano ang vote-counting machine (VCM) at inaasahang lalahok ang mga opisyal at mga empleyado ng lungsod.
“Para malaman ng lahat ng botante kung ano ang proseso ng pagboto on election day at kung paano ma-process ang makina na magagamit on election day na rin,” ani John Paul Martin, Comelec-Baguio election officer.
Para sa Baguio ang iskedyul ay mula Enero 28 hanggang 31 at sa Pebrero 28. Ang nasabing roadshow ay dadalhin din sa Benguet at sa iba pang lugar ng rehiyong Cordillera para sa demonstrasyon.
Noong Martes ay isinagawa ang roadshow sa University of Baguio na nasa 150 estudyante ang kalahok; Miyerkoles sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at mga parishioners nito; at sa Huwebes sa Integrated Bar of the Philippines.
Sa Pebrero 28 ay nakatalaga para sa mga media practitioners sa Baguio.
“We are focused on voters and not targeting basic sectors. The more sectors are reached, the better,” ani Martin.
Sa ginawang aktibidad sa city hall ay sinabi ni Martin na ang VCM ay isang upgraded version ng ginamit noong 2016 national at local elections.
Sinabi niya na mas mabilis ito kapag processing ng balota na isinuksok at high quality, updated at verified receipt ang pag-uusapan.
Dagdag niya na ang VCM ay nagbabasa ng bar code na naiprinta sa balota na naglalaman ng numero ng presinto para sa compatibility at may isang mas simpleng menu na mas maginhawa at manageable sa board of election inspectors.
Ipinaliwanag ni Martin kung paano gamitin ang VCM at nagbigay ng tips kung paano punan ang balota.
Ito ang: gamitin ang opisyal na marking pen; i-shade nang lubos at huwag lalagpas sa susunod na bilog; huwag bumoto nang sobra dahil walang anumang paraan para mabura ang sobra, na maaaring mawalan ng bisa ang lahat ng boto sa partikular na posisyon ngunit hindi ang mga boto sa buong balota; huwag markahan ng anuman maliban sa bilog.
Ang balota, ayon sa kaniya, ay maaaring isuksok mula saan mang bahagi at ang resibo ng botante ay maiisyu agad.
Sinabi ni Martin na ang VCM na gagamitin sa mid-term election ay may mas maraming security features para pangalagaan ang integridad ng eleksiyon.
Nakalagay sa resibo ng botante ang mga pangalan ng ibinoto na biniberipika na nabilang ng makina ang mga boto.
Sinabi ni Martin na ang resibo ay maiiwan sa Board of Election Inspectors (BEI) at ilalagay sa hiwalay na compartment na maaaring ma-access sakaling may protesta sa eleksiyon.
Isang trial session ang ginawa sa mga interesadong opisyal na nag-fill up at nagsuksok ng balota at tinanggap ang voter’s receipt.
Si Atty. Melchor Rabanes na isa sa sumubok bumoto ay sinabing kulang ang boto niya sa posisyon ng councilor at sobra naman sa pagka-mayor.
Ipinakita ng resibo ang resulta na binibilang ang boto sa councilor habang ang posisyon sa pagka-mayor ay nakasaad ang “over-vote” at hindi ibinilang ang isang boto sa kahit sino sa mga kandidato.
Sinabi niya na umaasa siyang magkaroon ang Comelec ng iba pang upgrade sa sistema kung saan maaaring alisin ng botante ang over-vote.
Nagpahayag din ng pag-aalala si Councilor Mylene Yaranon na ang voter’s receipt ay hahantong sa vote buying dahil sa mapapahintulutan ang botante na kunan ng larawan ang resibo.
“There is no guideline yet as to the prohibition (of) taking a picture of the receipt, as well as the prohibition (of) bringing a cellphone inside the precinct,” ani Martin.
Sinabi niya na ang roadshow ay dadalhin sa Benguet matapos ang Enero 31, na bawat munisipalidad ay may tig-isang iskedyul.
LAgoot,PNA/PMCJ/ABN

Amianan Balita Ngayon