Walang magsasalita sa loob ng PUVs sa Baguio sa gitna ng pandemya

LUNGSOD NG BAGUIO – Inaprubahan ng konseho ng lungsod ang isang ordinansa na nagtatakdad sa “new norms” ng mga operasyon ng lahat ng pampublikong transportasyon, negosyo, paaralan, at pampublikong lugar bilang tugon sa pandemya ng coronavirus disease (COVID- 19), kasama na ang hindi pagsasalita sa loob ng public utility vehicles (PUVs).
Ang ordinansa na nagtatakda ng isang “new normal” sa pagsasagawa ng health at sanitation practices ay nagbabawal na ngayon ang pagsasalita sa loob ng PUVs, kahit pa may suot na maskara upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Ang mga lalabag ay magmumulta ng PhP1, 000 sa unang paglabag, PhP3,000 sa ikalwa at PhP5,000 at community service sa ikatlong paglabag.
Iniuutos din ng bagong ordinansa ang mahigpit na pagsunod sa etiketa sa pagubo, na hinihingi sa lahat na gumamit ng tissue paper kung uubo o babahing at itapon ito ng maayos pagka-gamit.
Ang paggamit ng face mask ng isang taong may ubo ay iniuutos din.
Inaprubahan ang ordinansa sa paglipat ng lungsod sa general community quarantine (GCQ) mula enhanced community quarantine (ECQ) kung saan mas maraming pampublikong transportasyon ang pinapayagang magbiyahe sa kanilang regular na ruta.
Pinapayagan na rin sa GCQ ang mga taxi na magahatid ng pasahero sa mga espesipikong lugar sa ilalim ng isang coding scheme simula sa mga sasakyang nagtatapos ang plaka sa isa na nagsimula noong Mayo 18.
Ang mga taxi na may license plates na nagtatapos sa 2, 3, 4 at 5 ay pinapayagang maglakbay sa palibot ng lungsod ng Martes hanggang Biyernes (Mayo 19-22) habang ang mga nagtatapos sa 6 -0 ay sa Mayo 25-29.
Sa ilalim ng ordinansa, ang hindi pagsunod ng mga taong kinauukulan ng mga opisina ng gobyerno ay papatawan ng administrative disciplinary action sa ilalim ng Implementing Rules and Regulations ng Local Government Code of the Philippines.
Tinitiyak din ng ordinansa ang isang multa na PhP5,000 para sa bawat opensa sa lumalabag na mga pribadong institusyon, ang iba pang new normal health practices na dapat sundin ay : “windows shall be opened for good ventilation; frequent handwashing shall be required to all establishments with existing comfort rooms or washing facilities; all persons shall step on the sanitation mats and shall have their temperature checked before entering the premises of the establishment, and plastic sheets or other transparent materials shall be used in counters to shield employees and clients/customers”.
Sa ilalim ng ordinansa, ang pampubliko at pribadong establisimiyento na nag-ooperate sa lungsod sa ilalim ng kasunduan sa pag-upa ay kinakailangang ipatupad ang mga sumusunod bilang bahagi ng responsibilidad ng owner o employer: provide and maintain a safe working environment and hygienic facility for the safety of all workers/employees, customers/ clients, and guests.
Sa pagka-apruba ng ordinansa, lahat ng health at sanitation practices ay dapat ipatupad sa lahat ng aplikableng mga lugar sa lungsod hanggang ang naideklarang public health emergency ay naalis na.
Inaprubahan ng konseho ng lungsod ang naunang dalawang ordinansa na nag-uutos sa paggamit ng face masks at pagpapatupad ng physical distancing sa mga pampublikong lugar bilang bahgi ng new normal.
PML-PNA/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon