1,348 katao nahuling lumabag sa anti-smoking ordinance

Iniulat ng Public Order and Safety Division (POSD) na ang mga nakatalagang enforcers ay nakahuli ng halos 1,348 indibidwal sa paglabag ng may kinalaman sa probisyon ng Ordinance No. 34, series of 2017 o ang Smoke Free Ordinance of Baguio City sa nakalipas na apat na buwan.
Base sa ulat na isinumite kay Mayor Mauricio G. Domogan, inihayag ng POSD na naitala ang Marso bilang pinakamalaking bilang ng mga lumabag sa anti-smoking ordinance ng lungsod na mayroong 568, sinundan ng Pebrero na may 317, Abril – 302, Mayo – 117 na mga lumabag at Enero na may 52.
Inihayag ng POSD na sa kabuuang bilang ng mga lumabag, 822 ang nakaayos ang kanilang multa sa City Treasury Office base sa monitoring ng POSD sa pamamagitan ng pagbibigay ng official receipts na isinumite.
Sa kabilang banda, 451 na mga lumabag ang hindi naayos ang naatas na multa, 94 ay ipinunta sa Baguio City Police Office (BCPO) at 12 na mga lumabag ay nakapagsilbi ng community service.
Ayon pa sa POSD na sa mga naitalang lumabag ay kakaunti ang bilang ng mga business establishment, habang malaki ang bilang ng mga nahuling lumabag ay mga bisita sa lungsod na nagsabing hindi nila alam ang mahigpit na implementasyon ng anti-smoking sa lungsod.
Ayon sa ulat, nahirapan ang POSD sa pagmo-monitor sa pagsunod ng mga business establishment kaugnay sa pagbabayad ng kanilang mga multa dahil sa ilang proseso na kailangan pang ayusin ng mga kinauukulang tanggapan.
Bukod dito, nagsumite rin ang POSD ng kanilang ulat sa Permits and Licensing Division (POSD) kaugnay sa mga business establishment na nabigyan ng citation tickets ng mga nakatalang enforcers ng nasabing opisina sa tulong na pagmonitor sa pagsunod sa mga may-ari ng mga establisimyento na bayaran ang kanilang mga multa.
Bilang bahagi ng kontribusyon sa taunang Brigada Eskwela, ang Smoke Free Task Force ay kasalukuyang nagsasagawa ng ocular inspections sa iba’t ibang business establishment na malapit sa mga paaralan upang masiguro na sila ay mahigpit na sumunod sa probisyon ng ordinansa sa paghahanda ng nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 4, 2018 upang ang mga batang mag-aaral at estudyante ay maiiwas sa sigarilyo.
Pinaalalahan ng mga miyembro ng task force ang mga may-ari ng establisimyento na huwag magbenta ng sigarilyo at iba pang tobacco products sa mga mag-aaral at estudyante dahil mapapatawan sila ng mga multa sa paglabag sa nasabing ordinansa na ipinatupad noong nakaraang taon.
Bukod sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, ang ordinansa ay nagbabawal sa mga may-ari ng establisimyento mula sa pagbebenta ng sigarilyo ng tingi sa kanilang mga kliyente upang ang mga residente at mga bisita ay tiyak na susunod sa mga probisyon ng ordinansa na ngayon ay mahigpit na ipinapatupad sa iba’t ibang bahagi ng lungsod ng mga otoridad at nakatalagang public safety enforcers sa ilalim ng POSD.
Ang implementasyon ng anti-smoking ordinance ay bahagi ng kabuuang inisyatibo upang gawing smoke-free city ang lungsod ng Baguio. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon