2 NPA , PATAY SA SAGUPAAN SA MOUNTAIN PROVINCE

BONTOC, Mt. Province – Dalawang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napatay ng mga tauhan Philippine Army,sa naganap na enkuwentro noong Setyembre 28 sa Mainit, Bontoc, Mountain Province.
Sinabi ng 5th Infantry Division, Philippine Army, nakatanggap sila ng impormasyon na ilang mga rebelde ang nakita sa nasabing lugar, kaya mabilis na nagtungo ang mga tauhan ng 72 Division Reconnaissance Company sa ilalim ng 54th Infantry Battalion at nakasagupa nila ang halos 10 miyembro ng Komiteng Larangang Gerilya Abra-Mountain Province-Ilocos Sur (KLG AMPIS).
Nagkaroon umano ng mahigit tatlumpong minuto na enkuwentro hanggang magtakbuhan ang mga rebelde at dalawa sa mga kasamahan
ang narekober na patay na kinilalang sina Ernesto Lucaben Jr., alyas Ashley/Lando, at Wilfredo Gaayon, alyas Jaz.
Narekober ng mga sundalo ang isang M14 rifle, limang magazine ng M14 rifle na may 70 bala, tatlong AK79 rifle magazine na may 20 bala, siyam na anti-personnel mines, dalawang blasting caps, wires, gamot at iba pang personal belongings na naiwan ng teroristang grupo.
Wala namang napaulat na nasugatan o nasawi sa tropa ng pamahalaan at ibinababa ng mga sundalo mula sa bundok ang labi ng mga biktima upang madaling makuha ng kani-kanilang pamilya.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon