4 drug groups, aktibo sa Cordillera

Minamanmanan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera (PDEA-CAR) ang apat na drug groups na responsable sa pagbebenta at distribusyon ng ipinagbabawal na droga sa mga nakaraang buwan sa kabila ng walang humpay na “war on drugs” sa rehiyon.
Ayon kay PDEA-CAR regional director Edgar Apalla, mayroong tatlong aktibong drug groups sa lalawigan ng Abra habang ang isa ay sa lungsod ng Baguio.
Wala namang nakilalang drug groups sa mga lalawigan ng Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga at Mountain Province.
Inilahad din ng opisyal ng PDEA-CAR na may 159 drug personalities ang naitala at sinusubaybayan sa rehiyon. Sa
naturang bilang, 98 ang watch listed personalities at 61 ang target listed personalities sa buong rehiyon.
Sinabi ni Apalla na shabu at marijuana ang pinakaginagamit na droga sa rehiyon kung saan shabu ang nangunguna at sinusundan ng marijuana.
Paliwanag niya na mula sa datos sa mga naarestong personalidad hanggang sa gitna ng buwan ng Disyembre ay nagpapakita na karamihan ng nadakip ay shabu related cases.
Paglalahad pa ni Apalla, ang mga marijuana plantation sites ay pinaniniwalaang nasa mga liblib na lugar sa Tingalayan, Kalinga batay sa nakaraang marijuana eradication operations na magkasamang ipinatupad ng PDEA-CAR, PDEA-Regional Office 2, NBI, 50th Infantry Brigade, 503rd brigade at Police Regional Office-Cordillera (PRO-COR).
Aniya, mahigpit na binabantayan ng PDEA-CAR at ng iba pang tagapagpatupad ng batas ang posibleng re-emergence o pag-usbong muli ng marijuana plantation sites sa tri-boundaries ng La Union-Benguet-Ilocos Sur bilang bahagi ng pre-emptive measures.
Iniulat ng opisyal ng PDEA-CAR sa naganap na joint meeting ng Regional ng Regional Peace and Order Council (RPOC) na ang marijuana hashish at marijuana oil o hash oil diumano ay pinoproseso sa mga liblib na lugar sa Tinglayan, Kalinga.
Dagdag niya, ang mga halamang marijuana ay inaani, ipinapatuyo at ginagawang bricks na ipinupuslit palabas sa rehiyon.
Sinabi ni Apalla na batay sa mga panayam sa mga naarestong drug personalities, ang shabu ay nakakapasok sa Cordillera mula sa National Capital Region (NCR), at sa Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon papunta sa mga pangunahing entry points sa region sa pamamagitan ng public utility vehicles at mga pribadong sasakyan na inupahan o di kaya ay pag-aari ng mga drug personalities sa rehiyon.
Ang mga marijuana sa magkakaibang porma o anyo na hinihinalang mula sa Tinglayan, Kalinga at ang iba mula sa mga tagong lugar ng Kibungan, Benguet ay dinadala sa ilang bahagi ng Luzon gamit ang public utility vehicles, private at rented vehicles at dumadaan sa mga pangunahing kalsada palabas sa rehiyon.
BAGUIO PIO/ABN

Amianan Balita Ngayon