Ambulansya nahulog sa bangin, 2 patay

CAMP DANGWA, La Trinidad,Benguet— Dalawang katao namatay, samantalang tatlo ang kasalukuyang ginagamot sa hospital, matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang ambulansya sa Bontoc, Mountain Province.
Nabatid na ang Ambulance ay pag-aari ng Hungduan Municipal Hosital sa lalawigan ng Ifugao at galing ito sa Luis Hora Regional Hospital sa Abatan, Bauko, Mountain Province, noong Enero 8.
Noong Martes ng umaga pabalik na ang Ambulansya sa karatig-lalawigan ng Ifugao at habang padaan sa may Sitio Bad-ey, Doddo, Barangay Talubin, Bontoc, Mountain Province, ay nagkaroon ng mechanical defect ang sasakyan at nagtuloy-tuloy ito sa bangin.
Agad na nag-responde ang mga rescue group ng Bontoc at idineklarang dead on the spot sina Franklin Angawa, 37, driver at Earole Kurt Akiate 21, kapuwa residente ng Barangay Hapao, Hungduan, Ifugao.
Ginagamot naman ngayon sa Bontoc General Hospital ang sugatang sina Rexton Abluyen Duyapat 20 at Nelda Joy Angawa Tapyugon, 23, kapuwa Social Worker ng Hungduan Municipal Hospital, samantalang ang sugatang si Anabelle Attang, 32, nursing attendant ng Hungduan Municipal Hospital ay dinala sa Luis Hora Regional Memorial Hospital at Bauko, Mountain Province.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon