Ang tunay na karapat-dapat ang mauupo

Sa darating na Mayo 9, 2022 ay muling idaraos ng bansa ang pambansa at lokal na eleksiyon, mula sa Pangulo ng bansa hanggang sa mga konsehal.
Itinututring na naiiba at mapanghamon ang halalang ito dahil sa kasalukuyang sitwasyon dulot ng pandemya ng COVID-19, na bagama’t may mga agam-agam ay sinisiguro ng Commission on Elections (Comelec) na handa na raw tayo at magiging maayos ang proseso.
Marahil ay hindi pahuhuli ang Lungsod ng Baguio sa magiging kaabang-abang na labanan sa politika at magiging resulta nito. Sa humigit kumulang 169,650 na mga botante ng Baguio ay muli silang magluluklok ng mamumuno sa lungsod sa loob ng tatlong taon : isang mayor, isang vice-mayor, isang congressman at labing-dalawang konsehal ng lungsod.
Sa apat na opisyal na kandidatong tatakbo sa pagka-alkalde, Edison Bilog ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP); Mauricio Domogan ng Lakas-CMD; Benjamin Magalong ng Nationalist People’s Coaliton (NPC) at Jeffrey Pinic na isang Independent ay sumesentro sa tatlo ang labanan. Isang umaatikabong sagupaang-politikal ang masasaksihan mula kina Edison Bilog, Mauricio Domogan at Banjamin Magalong.
Maliban sa mas kilala na ang mga pangalan ay may kani-kaniyang mga track record na ang tatlo sa larangan ng serbisyo-publiko. Kaabangabang nga ang magiging resulta ng labanan sa dalawang muling maghaharap at isang may hawak ng record na may pinakamahabang panunungkulan sa lungsod.
Si Edison Bilog ay ipinanganak noong Marso 28, 1967, isang abogado na nagtapos sa Saint Louis University sa Baguio City at politiko, dating vice mayor at konsehal ng lungsod.
Noong 2019 ay tumakbo siya sa pagka-alkalde sa ilalim ng PDP-Laban ngunit natalo ni Benjamin Magalong. Ngayon ay muli niyang haharapin si Magalong subalit tila lalong humigpit ang kaniyang tsansa dahil sa pagbabalik ng kinikilalang haligi na sa larangan ng politika na si Mauricio Domogan.
Subalit sa kabila nito ay handa raw siyang sumagupa at wala ng atrasan gaya ng isang tunay na Batangueno. Sino ba naman ang hindi nakakikila kay Maurico “Morris” Domogan, ipinanganak noong Oktubre 10, 1946, isang abogado at politiko at siya ang pinakamahabang nagsilbing mayor ng lungsod ng Baguio.
Miyembro siya ng Lakas Kampi CMD na nagsilbing mayor ng Baguio sa loob ng tatlong termino, una bilang acting mayor mula Hulyo hanggang Oktubre 1992 at opisyal na naging mayor noong Oktubre 1992 matapos pumalit sa puwesto mula kay Ramon Labo.
Nahalal siya sa tatlong termino bilang miyembro ng House of Representatives na ikinakatawan ang lone district ng Baguio City. Una siyang nanalo sa halalan para sa Kongreso noong 2001 at muling nahalal noong 2004 at 2007.
Noong 2019, ipinagbabawal ng konstitusyon ang isang ikaapat na termino nilang mayor ay tumakbo siyang muli para sa upuan sa Kongreso laban sa kasalukuyang Congressman na si Marquez Go kung saan nakaranas siya ng unang pagkatalo sa kaniyang karerang politikal. Ngayon ay muli siyang babalik sa politika at susubukang masungkit muli ang upuan ng mayor.
Tatakbo muli sa ikalawang termino si dating heneral ng police Benjamin Magalong na nakilala bilang ang heneral na buong-tapang na pinamunuan ang imbestigasyon ng padaskuldaskol na Mamasapano operation na pumatay sa 44 miyembro ng police Special Action Force (SAF) na naging sanhi ng isang krisis sa nakaraang administrasyong Aquino halos isang taon bago ang 2016 eleksiyon sa pagka-Pangulo.
Sa pinal na ulat ni Magalong bilang hepe ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ay tinukoy niya na ang noo’y Pangulo na si Benigno Aquino III ay nakagawa ng mga pagkukulang sa panahon ng top-secret operation. Dahil sa matigas niyang paninindigan na kumontra sa kaniyang noo’y “boss” ay naisaalang-alang ang kaniyang pangarap na amging susunod sanang hepe ng PNP.
Kabilang si Magalong sa Philippine Military Academy Class 1982 na sa loob ng mahigit 30 taong serbisyo sa PNP ay nagsilbi siyang SAF commando at kalauna’y itinatag ang SAF Seaborne ang Sniper Unit. Ang heneral ay tinalo si Edison Bilog noong 2019 na hindi pa natatalo sa halalan mula 1990.
Sa huling nakalap na datos ng isinagawang Pulse Rate Survey ng Baguio Chronicle mula Enero 29 – 31, 2022 ay nakakuha ng 81% pagsang ayon sa mga tinanong kung sino ang pipiliin nilang Mayor si Magalong ma sinundan ni Domogan na may 15% at pumangatlo si Bilog na may 4%. Sa isang bersiyon ng kalye-survey ay mahigpit ang labanan sa numero kina Magalong at Domogan.
Ang mga numerong ito ay maaari pang magbago dahil tatlong buwan pa bago ang tunay na botohan at marami pa ang maaaring magbago. Kaya samantalahin ang natitirang panahon upang makapamili ng husto at kilatisin ang karapat-dapat na mamumuno sa lungsod sa susunod na tatlong taon – sa harap at pagkatapos ng pandemya.

Amianan Balita Ngayon