“ANO ANG SANHI SA DI MATAPOS-TAPOS NA P77.177M TULAY SA BENGUET?”

Galit na rin si Benguet congressman Eric Go Yap kasabay ng nangagaliiting mamamayan ng La
Trinidad, Benguet sa ‘di matapostapos na P77.177 milyong patrabahong Pines Park bridge sa
barangay Balili, La Trinidad, Benguet. Nakatalagang matatapos sana itong multi-milyong patrabaho sa huling linggo nitong Oktubre, ngunit tila aabutin pa ng Oktubre 2024 dahil sa kupad ng pribadong kontraktor na tila pinapabayaan naman ng DPWH-Benguet.

Maraming rason ang isinasangkalan ng kontraktor gaya ng isyu sa right-of-way at kung ano-ano pa,
ngunit nagkululang ang paliwanag sa mamamayan ano nga ba ang tunay na dahilan ng pagka-ambala ng pagtatapos ng proyekto. Imbes na benepisyong dulot sana sa libo-libong residente ng
Pines Park, karatig barangay at lahat ng motoristang una nang nangambang unsafe ang lumang
tulay kayat kinailangang makumpuni ito, araw-araw na pagkayamot ang kanilang pakiramdam at inis sa pamahalaang inaasahan sana ng bigay na kaginhawaan.

Ngunit gaya ng nakagawian ng mga kontraktor at DPWH na pananahimik, walang marinig na paliwanag man lang sa taumbayan kung matatapos pa ba ang proyekto, gayong malapit nang matapos ang 2023 at maaring maapektuhan ang release ng karagdagang pondo nito. Nararapat lamang na usisain at panagutin ang kontraktor at pamunuan ng DPWH-Benguet sa kabalbalan na lalo pang nagpapasikip sa trapiko sa lugar at higit na nagpapahirap sa motorista at kalakhang mamamayan ng Benguet. Ngunit wala naman yata talaga sa bukabularyo ng mga kontraktor at DPWH ang tinatawag na “accountability” sa mamamayan, kundi tanging “percentage” lang ang
salik sa kanila!

Amianan Balita Ngayon