Baguio bilang lungsod ng mga kampeon, tampok sa charter day

Ang pagdiriwang ngayong taon sa charter anniversary ng Baguio ay nakatutok sa pagkakaroon nito ng maraming kampeon.
Ito ay upang itampok na nagmula sa lungsod ang mga nangunguna sa magkakaibang paligsahan sa nasyonal at internasyonal ngayong taon.
Ito ay katunayan na umuusad ang lungsod patungo sa kahusayan sa magkakaibang larangan, saad nila Mayor Mauricio Domogan at Councilor Elmer Datuin.
Sa temang “Baguio at 108: The Land of Champions,” inimbita ng lungsod si Mixed Martial Arts world champion Eduard Folayang bilang panauhing pandangal at tagapagsalita sa Baguio Day program sa Setyembre 1.
Ani Datuin, pangungunahan ni Folayang ang iba pang mga nagwagi sa international competitions na kinabibilangan ni Ms. International Kylie Verzosa na paparangalan kasama ang outstanding citizens of Baguio.
Sinabi naman ni Baguio Day celebration co-chair city administrator Carlos Canilao na gaya noong mga nakaraang taon, may ihahandang mga aktibidad sa buong buwan ng Setyembre.
Ang mga tampok na aktibidad ay kinabibilangan ng Baguio Day Health Fair sa Baguio Convention Center sa Agosto 25 para magkaloob ng mga libreng serbisyong medikal sa mga indigent na residente, mga pageant na Ms. and Mr. Baguio, Job Fair sa Setyembre 16 sa Baguio Convention Center, maliban pa sa mga concerts, cultural shows at sports competitions. AILEEN P. REFUERZO / ABN

Amianan Balita Ngayon