Baguio lumalamig na, tagtuyot patuloy pa sa ibang lugar

Nararamdaman na sa lungsod ang katamtamang lamig ng panahon habang patuloy ang nakakapasong init at tagtuyot sa mga mababang lugar sa bansa.
Sa nakaraang linggo, naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang pinakamataas na temperatura ng Baguio City sa 26 degrees Celsius noong tanghali ng Mayo 5 habang ang Tuguegarao City sa Cagayan ay nasa 35.2 degrees Celsius sa parehong oras.
Mula Mayo 2 hanggang 8, ang Baguio ay may average temperature na 24.4 degrees Celsius habang sa Dagupan ay nagtala ang Pagasa ng heat index na 43.1 degrees Celsius noong Mayo 8.
Ang pinakamababang naitalang temperatura sa Baguio ay 16.5 degrees Celsius noong Mayo 3 at 4. Sa Tuguegarao, ang pinakamalamig ay nasa 27 degrees Celsius noong Mayo 5. Sa Metro Manila, ang average temperature ay nasa 34.4 degrees Celsius at ang pinakamainit ay naitala noong Mayo 2 na 37 degrees Celsius.
Ang Baguio ay nasa 2,260 meters above sea level, isang dahilan kaya kahit sa panahon ng tag-init ay nakakaranas ng mas malamig na klima ang lungsod kaysa sa ibang lugar sa bansa. Ang mahangin at bahagyang maulan na panahon sa bandang hapon ay nakakadagdag din sa lamig ng lugar.
Inaasahang mananatili ang lamig ng panahon sa lungsod sa mga susunod pang araw sa forecast ng Pagasa na 20 hanggang 22 degrees Celsius na average temperature mula Mayo 9 hanggang 13.
Sa tala ng Pagasa, ang pinakamataas na temperatura sa Tuguegarao ay 42.2 degrees Celsius. Ang pinakamababa sa Baguio ay 6.3 degree Celsius noong 1961. P.M.GEMINIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon