BANGON…PILIPINAS!!!!

Sa tuwing may nalulugmok …laging kaakibat ang katagang BANGON! Noong bata tayo, kapag
nadarapa, laging umaalalay ang mga kamay ng ating mga magulang upang muli tayong bumangon at maglakad. Ito ang tema ng Daplis kaya samahan niyo kami mga pards: Nang tumama ang Avian
Flu sa ating mga manukan, umalalay ang mga bakuna at gamot mula sa mga ahensiya ng pamahalaan. Nakabangon ang mga negosyante.

Nang bumanat naman ang ASF sa mga babuyan, bakuna agad (first trial) ang ibinira at naging matagumpay, ayon sa ulat mula sa Opisina ng Pangulong Bongbong Marcos Jr. Nang may mga napaulat na mga kababayan nating naiipit at nangangailangan ng tulong mula sa ibang bansa…umalalay agad ang ating pamahalaan at sila’y nagabayan. Nang nabulgar ang mga anomaly sa
“pagpupuslit” ng mga produktong agrikultura lalo na ang sibuyas….pinatatalupan na ito ni Pangulong Bongbong para mapanagot ang mga dapat managot.

Nang pumutok ang isyu hinggil sa bagong slogan ng DOT na “Love The Philippines”….marami ang nadismaya sa ginawa ng isang advertising company na DDB Philippines na kasinungalingan ang nilalaman. Ang aming pagsaludo sa mga mapanuring mga mata ng ating mga kababayan dahil nabuking nila ang kababalaghang ginawa ng kompanyang ito. Aba’y mantakin mong sa laki ng pondo na inilaan dito ng DOT (P49M) para gawin ang “Love The Philippines” slogan, kahit pa
humingi ng sorry ang DDB, nainsulto na si Pinoy sa “stock footage” ni DDB.

Ano bang ginawa niya? Ang rice terraces na nasa video (ng DDB) ay kuha sa Bali, Indonesia; ang
mangingisdang naghahagis ng lambat ay kuha sa Thailand; ang pampasaherong eroplano ay kuha sa Zurich, Switzerland; at ang nagmamaneho ng sasakyan sa disyerto ay kuha sa Dubai, United Arab Emirates. Mantakin mong laking kahihiyan ang itatapal mo sa mukha naming mga Pilipino? Kaya upak ng ating mga mambabatas…dapat maimbestigahan ito at dapat may managot. Inaabangan na ang SONA ng ating Pangulo.

Tiyak, sabi ng marami, sesentro pa rin ang mga mensahe niya ang pagkakaisa at pagbangon laban sa mga maaring magpahina sa ating ekonomya at magpalugmok sa ating lahi. Ipagbunyi at tangkilikin ang sariling atin sa pamamagitan ng ating sariling sikap at determinasyon. Labanan natin ang mga mapagsamantala na nanggigisa sa ating sariling mantika. Maliit lang ang ating bansa. Ngunit malaki ang ating magagawa laban sa mga mapang-api. Konkretong ehemplo ang ipinakitang tapang ng ating pamahalaan (PNP) kontra sa tatlong dayuhan na bumastos sa ating
watawat kamakailan sa may Ternate, Cavite.

Dahil naburyong daw ang tatlong Pakistani at isang Romanian (hindi pinangalanan) dahil sa trapik, hinila ng mga dayuhan ang bandila ng Pilipinas, pinunit at inihagis. Lantarang pambaastos sa sagisag ng Pilipinas, at tahasang paglabag sa The Flag Heraldic Code of the Philippines. Detenado ang mga dayuhan at iniimbestigahan na. Huwag naman tayong maliitin. Sabi nga: ang maliit ang nakakapuwing. Ipaglaban ang ating karapatan at ipagmalaki ang ating lahi. Ipaalam sa
mundo na tayo ay de-klase ring tao na may kakayanan at dignidad. “Ako ay Pilipino, may mabuting intension para sa bayan ko”. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon