Bangungot sa Holy Week

Asahan na ang bangungot sa darating na Semana Santa, dahil inaasahan ang bugso ng mga turista at motorista na darating sa Summer Capital, lalo na’t ito’y long weekend vacation.

Sa mga motorista, paradahan ang isa sa magiging bangungot at dapat daw tiyakin ng mga motorista na may mayroon silang sariling parking area sa loob ng Baguio. Bangungot nga, mahihirapang magdala ng sariling parking area ang isang motorista, Hehehehe, asahan na po ang traffic sa ating lungsod.

Hindi lang motorista ang dadagsa kundi mga turista na walang sariling sasakyan, kaya asahan din ang hindi mahulugang karayon sa mga parke at palengke.

Marami na namang taxi at jeepney drayber ang tatamarin sa pasada dahil sa sobrang trapik, kaya ang resulta ay kanya-kanyang lakaran sa paguwi at nakatayo sa mahabang pila sa mga jeepney terminal hanggang abutan ng gabi.

Inaasahan na po ng siyudad ang bugso ng turista ngayong Holy Week break dahil mahigit sa 80,000 ang naaprubahang travel registration at
possible pang tumaas ang bilang na ito sa mga sususnod na araw.

Iniulat ni Aloysius Mapalo, city tourism officer, na simula pa noong Abril 7, ay may mahigit 80,000 aprubadong travel registration na mula Abril 8 hanggang 17 at kadalasang tumataas ang mga rehistrasyon habang papalapit ang Holy Week, kaya malaki ang posibilidad na tumaas pa ang bilang nito.

Hindi maiaalis na nasabik ang mga turista na muling bumalik sa ating lungsod dahil sa dalawang taon na pandemya. Klima pa rin ang pangunahing dahilan ang pagbabaksyon sa ating siyudad.

Ayon kay Mapalo, ang Abril 14 (Huwebes Santo) ang may pinakamalaking rehistrasyon na 19,342 sa ngayon, ngunit maaaring tumaas hanggang 40,000 bago ang Holy Week break, na pinakamahabang long weekend vacation.

Sa ngayon ay wala pa ring ipinapatupad na limitasyon sa pagpasok ng bisita na pinapayagan, hangga’t mananatili ang mga hakbang
upang matiyak na ang mga protocol sa kalusugan at kaligtasan ay ipinapataw at sinusunod ng mga may-ari ng establisimiyento, turista at residente.

Sinabi naman ni City Director Glenn Lonogan na sinisimula na ng kapulisan at mga boluntaryon grupo ang “Oplan Summer Vacation” upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at tulong sa kaligtasan ng mga motorista at kalsada sa buong panahon.

“Sa paghahanda sa pagdagsa ng mga turista, nagtayo tayo ng task force na mamamahala sa sitwasyon tuwing Semana Santa. Sa ngayon, ang mga planong panseguridad ay nasa lugar, kabilang ang paglalagay ng mga pwersang panseguridad, ”sabi ni Mayor Benjamin Magalong.

Paalala nito sa mga bisita ang kanilang vaccination card, magparehistro sa visita.baguio.gov.ph, at makipagtulungan sa kanilang hotel accommodation dahil aaprubahan ng mga hotel ang pagpaparehistro.

Nananawagan din si Magalong sa mga residente na magkaroon ng konsiderasyon sa panahon ng Holy Week, na noon pa ay dumadagsa ang mga bisita, na malaking bentahe sa muling pagbangon ng ekonomiya sa lungsod.

Amianan Balita Ngayon