“BUKING NA BUKING SI CONG….DONG”

Paano ilulusot ni House Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd district Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang sarili, lalo na mula sa kasong graft at corruption at higit sa lahat kawalang
delikadesa ukol sa mahigit kalahating bilyong flood control mitigation projects na mismong kumpanya niya at kanyang pamilya naipasakamay ang mga proyekto?

Kahit grade 1 mababatid na kawalang hiyaan ang pakikisabwatan ni Cong Dong at ilang matataas na opisyales ng Department of Public Works and Highways Region III upang mai-award sa A.D.
Gonzales Jr. Construction & Trading Co., Inc., na nakahimpil pa mismo sa tabi ng bahay nya sa San Fernando, Pampanga, ang tatlong civil works contracts sa lalawigan na nagkakahalagang
P611,577,718.40 na nanggaling sa kanya ding Congressional Funds.

Hindi ba malinaw ang paglabag ng Kongresista sa Section 3 (e and h) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at ng Possession of Prohibited Interest by a Public Officer mula sa Artikulo 216 ng Revised Penal Code? Sinampahan ng pinuno ng samahan ng mga kapitan ng
barangay sa Mexico, Pampanga sa Ombudsman si House Senior Deputy Speaker and Pampanga 3rd district Representative Aurelio Gonzales Jr. dahil sa mga proyektong pangimprastraktura na nai-award sa kumpanyang pag-aari ng mambabatas.

Kasama sa kasong kriminal na naisampa sa Ombudsman ang mga kapamilya ni Gonzales na sina
Aurelio Brenz, kasalukuyang konsehal sa lungsod ng San Fernando; Aurelio III; Alyssa Michaela, nakaupong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan; at Aurelio Michaline, kasama si Zenaida
Quiambao, isa sa mga direktor ng kumpanya. Hindi ba nararapat na mapanagot din hindi lang ang mambabatas at kanyang pamilya ang apat na opisyal ng DPWH Region III na sina Roseller Tolentino, regional director; Ignacio Evangelista, chairman ng Bids and Awards Committee; Anna
Marie Tayag, BAC Secretariat; at Arthur Santos, BAC vice chairman?

Bukod sa kabalaghan ng sabwatang Cong. Dong, ng kumpanya nitong ADG na kabilang ang mga kapamilya nito at ng matataas na opisyal ng DPWH Region III, ninanais ng mga Kapampangan ng kasagutan bakit sa kabila ng mahigit kalahating bilyong pondong nailaan sa pagtatayo ng drainage systems at flood mitigation structures at iba’tibang pasilidad sa malalaking river basins at mga pangunahing ilog sa Mexico, San Fernando at Bacolor, ay lubog sa baha ng matagal ang Pampanga nitong nakaraan.

Saan hahagilap ng pantakip si Cong Dong at mga nasasangkot na opisyal ng DPWH Region III sa kanilang kabulastugan? Sabagay, hindi na dapat lumayo pang maghanap ng rason si Cong Dong. Magtanong lang siya paano nilulusot ng kapwa niyang mga Kongresista sa mga karatig probinsya ang kanilang pangma-magic sa kani-kanilang Congressional Funds na kalimita’y pabor sa sari-sariling kumpanya o dili kaya’y malalapit na kamag-anak.

Amianan Balita Ngayon