“CASINO JUNKET OPERATION SCAM, IPINAKO NA SA KRUS NG SEC”

“Ipinako na sa krus” ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang casino junket na namayagpag sa Baguio City at Cordillera Administrative Region (CAR) at sa iba pang sulok ng bansa kung saan sila nakapaglinlang ng napakaraming tao.

Ipinag-utos ng SEC nitong Marso 16, 2023 sa bisa ng Cease-and-desist-order (CDO) sa Horizon Players Club, Philippine National Esports League, Team Z at kina Hector Pantollana, Zeus Liao Pantollana, Reymond Lacsamana Galang, Quarry Quieng, Erwin Bangalan, Kim Mejica, Daniel Agbisit, Paul Tolentino Marana, JM Almodiente, CJ Quinzon, Vanessa Mendoza Magboo, Gumba Martinada, Ronaldo Embing Renta, Neshemah Rock Lorico Renta, Maricel Raposon Cesumision, Avegail Namoc Cruz, James Christopher Tan Rojas, Joseph Junia Zabala, Maria Cecilia Tabano izcayano, Stephen Cecilia Dorog, Zen Carreon Humilde, Hein Carreon Humilde, Raffy Palangdan Floresca, Jennilyn Galletes delos Santos Floresca, Rhoda Andrada Casuga, Mikhaella Damasco Ty, Ariel Ramos Katigbak at Den Abad at sa lahat ng kanilang mga galamay upang tumigil na sa paglikom ng “investments” sa tabing ng casino junket operations dahil scam ito.

Pinatunayan ng SEC na walang anumang basbas na isinasaad ng batas sa paglikom ng investments ang operasyon ng “casino junket financing” ng mga nabanggit na kumpanya at mga personalidad.
Bukod sa kakaharaping kasong kriminal at administratibo ng sinumang magpapatuloy sa pangagantsong iskemang “casino junket financing”, mahigpit na pinagbabawalan ng SEC ang mga nasasakdal at mga alipores nilang galawin ang mga pondong naideposito sa bangko, mga ari-arian at kung ano pa mang may interes ang mga nasasakdal upang mapangalahan ang assets para sa kapakanan ng mga nalinlang na investors.

Naipamahagi na ang CDO ng SEC sa lahat ng ahensya at departamento ng pamahalaan tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Dept. of Trade and Industry, National Privacy Commission at Dept. of
Information and Communications Technology para sa kanilang kabatiran at karampatang aksyon.
Ipinag-utos na rin ng SEC ang pagsampa ng kasong criminal sa mga nabanggit na kumpanya at personalidad sa lalong madaling panahon upang litisin ang kanilang kawalang- hiyaan. Nagbabala na rin sa mga mabibiktima pa ng pang-i-scam ng mga casino junket operations ang Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR) na pag-ingatan ang pakikipagtransaksyon sa
“casino junket financing”.

Amianan Balita Ngayon