Developer nangatuwiran sa paputol ng 49 punongkahoy

LUNGSOD NG BAGUIO – Binigyang-diin ng management ng Moldex Realty, Inc. na ang pagputol ng apatnapu’t siyam na punongkahoy sa loob ng kanilang property ay sakop ng kaukulang mga permit na inisyu ng Cordillera office ng Department of Environment and Natural Resources (DENRCAR).
Sinabi ni Rey Diaz, consultant to the Board of Directors ng Moldex na ang pagputol sa 43 pine at 6 na alnus tree sa loob ng 3.1 ektaryang property ng kompanya sa Bakakeng Central ay tapat at
alinsunod sa itinakdang mga alituntunin at regulasyong inilabas para sa nasabing pakay na bigyang daan ang konstruksiyon ng iba pang condominium building na bahagi ng kanilang kabuuang development plan sa nabiling property.
Nabili ng Moldex ang property noong 1990 at inumpisahang i-develop ito noong 2013 nang mabigyan ito ng unang tree-cutting permit at dalawa pang katulad na tree cutting permit bago ang ika apat na permit na siya ngayong paksa ng isyu at diskusyon sa social media.
Kapalit ng 49 punongkahoy na naputol na ay itinurn-over ng developer ng condominium sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang nasa 2,450 pine tree seedling na itinanim ng mga elemento ng Presidential Security Group (PSG) sa loob ng compound ng Presidential Mansion sa isang planting activity na pinamahalaan ng DENR-CAR noong Mayo 24, 2019.
Sa ilalim ng comprehensive development plan ng kompanya sa pag-aari nito ay idedevelop lamang ng Moldex ang 30 porsiyento ng kabuuang land area na may konstruksiyon nang 7 condominium buildings na may probisyon na isang 3- storey underground parking space, nature park at iba pang mga amenity upang mapahusay ang magandang tanawin ng lugar.
Ang tree-cutting permit ay suportado ng isang barangay clearance, letter request mula sa property owner, mayor’s clearance na may supporting inspection report mula sa City Environment and Parks Management Office (CEPMO) at mga titulo ng propriedad sa ilalim ng pangalan ng aplikante.
Nauna dito ay nagdesisyon ang konseho ng lungsod na imbitahin ang mga opisyal ng Moldex at DENR-CAR upang magbigay-linaw sa diumano’y pagputol ng 49 fully grown trees na nakatanim sa loob ng pag-aari nito para bigyangdaan ang implementasyon ng kanilang development project sa lugar.
Base sa pinakahuling imbentaryo ng DENR-CAR sa bilang ng punongkahoy na kasalukuyang nakatayo sa loob ng propriedad, ay may kabuuang 320 saplings at fully grown na iba’t-ibang kahoy ang buhay pa sa lugar.
Nagpaplano pa ang Moldex na magtayo ng dalawang karagdagang gusali sa lugar upang makumpleto ang kanilang overall development na magreresulta sa karagdagang pagputol ng punongkahoy ngunit hindi pa masiguro ng mga eksperto ang bilang ng mga punongkahoy na mapuputol dahil sa kakulangan pa ng mga plano sa istruktura na itatayo sa lugar.
Plano ng Moldex na kumpletuhin ang condominium project nito sa susunod na taon depende sa pangangailan ng condominium.
 
DS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon