Water-borne diseases, binabantayan ng DOH

LUNGSOD NG BAGUIO – Pinaghahandaan na ng Department of Health (DOH) ang maaring pagpasok ng iba’t-ibang “water-borne diseases” ngayong darating na tag-ulan.
Ayon kay DOH Emergency Management Cluster – Nurse III Kristine S. Talavera sa nakaraang forum na naganap sa Office of Civil Defense noong nakalipas na Martes, uusbong ang iba’t-ibang sakit gaya ng upper respiratory track infection dahil sa inaasahang paglamig ng panahon sa pagpasok ng tag-ulan.
Dagdag pa ni Talavera na tututukan nila ang ilang isolated leptospirosis cases na maaring lumaganap sa ibang bahagi ng lungsod na kabilang sa floodprone area.
Binabantayan din nila ang mga posibleng isolated case ng Hand, Foot and Mouth Disease, isang sakit na ang pangunahing tinatamaan ay mga bata.
Handa din ang ahensya sa mga inaasahang outbreak sa lungsod tulad ng dengue. Todo pa din ang paghahanda ng DOH sa nasabing sakit.
“We have already prepositioned drugs and medicines po, just in case pong tumaas ang case natin dito ng Dengue, usually ‘yan po ang umaangat tuwing tang-ulan,” ani Talavera.
Nabanggit din niya na ang ahensya ay may “full coordination” sa iba’t-ibang Rural Health Unit (RHU) para sa iba’t-ibang serbisyo at assistance.
Sinigurado din ni Talavera na ang DOH ay handang-handa sa haharaping transitional phase ng iba’t-ibang sakit na inaasahang tatama sa lugar ngayong tag-ulan.
 
Paul Brian T. Baldoza, UC Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon