Giyera kontra droga, hanggang kailan?

Isang dambuhalang katanungan ang giyera sa droga, hanggang kailan? Kahit pa siguro mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang tatanungin hindi nya agad-agad  masasagot. Lalo pa ang sambayanan na mulat sa kaganapan at garapalang nangyayari sa bansa dahil sa illegal na droga. Sunud-sunod ang mga raid na isinasagawa ng mga otoridad. Marami ang nasasakote. May mga napapatay dahil lumaban. Pero bakit parang walang tigil ang pagsulpot ng drogang ito? Ano bang nangyayari, pards?

*********

Kamakailan lang sandamukal ang nasamsam ng mga otoridad sa isang high-end na condo sa NCR. Di sukat akalain na sa isang paupahang condo ay may pagawaan ng shabu (laboratory) at tambak na mga illegal na droga pa ang nakuha. Siyempre kung matagal na itong nag-ooperate marami na itong naikalat o naibentang supply sa buong bansa. Libo o milyon na ring tao at pamilya ang nasira dahil dito. Tsk tsk, mantakin mong sa mga malalaking subdibisyon at mga mamahaling tirahan na pala naglulungga ang mga gumagawa ng droga. Buti na lamang at malakas at mabilis ang singhot at kilos ng mga otoridad. Wala sila sa mga liblib na pook kundi sa mismong pusod o sentro ng komunidad ang kanilang illegal na aktibidad. Bakit kaya malakas ang loob samantalang alam nilang mabigat ang parusa sa kanilang ginagawang krimen? Dapat matumbok ang rason kung bakit parang hindi sila takot sa Oplan kontra droga ng ating gobyerno! Ang masakit pa nga ay mga dayuhan ang mga nahuhuling suspects.

**********

Alaala nating pansamantalang napatigil noon ang Oplan Tokhang dahil may mga reklamo. Pero ibinalik dahil kinakailangan, lalong humigpit ang oplan at wala ng sinasanto. Ayon nga kay Pres. Duterte, mahirap mang masupil ang salot na ito, hindi daw niya iuurong ang kanyang naipangakong kampanya kontra droga. Sabagay, isang katotohanan na kung hindi kay Digong hindi nabulgar ang talamak na negosyo ng illegal na droga sa ating bansa. Kaya kamakailan lang lumabas sa isang survey na walo sa sampung Pilipino ang pabor sa ‘war on drugs’ ng administrasyong Duterte. Atin ngang idetalye ang bunga ng giyera kontra droga para sa kaalaman ng madla.

**********

Ayon sa PNP mula Hulyo 2016 hanggang Agosto 2018 o simula nang maupo si Pres. Duterte, umaabot na sa 4,854 drug suspects ang napapatay. Nasa 155,193 indibidwal din na sangkot sa illegal na droga ang nasakote. Sa bilang na ito, 576 ang nagtatrabaho sa gobyerno. At sa bilang din yan, 247 dito ang mga halal na opisyal; 58 ang uniformed personnel at 271 ay mga empleyado ng gobyerno. Dagdag pa sa ulat ng PNP na may 279 na mga miyembro ng law enforcement agencies ang nadismis sa serbisyo dahil sa paggamit ng droga at 105 ang nakasuhan.  Hanggang sa sinusulat ang espasyong ito, meron ng 235 na mga laboratory ng shabu at drug dens ang nalansag ng PDEA. Nakakaalarma ang ulat, di ba? Yan na ang resulta ng Oplan kontra droga. Sana mababago pa ang kukute ng mga nasa rehab centers sa buong bansa upang mabawasan ang batik sa ating lipunan dahil sa illegal na droga. Mga drug lords ang may sala, di ba? Sila ang dapat daw malipul sa madaling panahon, sigaw ng mga analysts. Pero ang tanong: hanggang kailan ang giyerang ito kontra droga? Pagkatapos kaya ng termino ni Pangulong Duterte ay wala ng problema sa droga? Tsk tsk, tapik ng marami: impusipos na matapos na. Maaaring nabawasan ng malaki, pero nariyan pa rin ang kanilang galamay at negosyo. Habang may mga bansang pinagmumulan nito at habang may mga laboratoryong naririto sa bansa natin, patuloy na mamamayagpag ang droga sa lipunan. Tanong: patuloy pa rin kaya ang giyera kontra droga kahit na wala na si Digong sa poder? Abangan ang susunod na kabanata. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon