GIYERA SA ISRAEL AT PALESTINE… APEKTADO BA TAYO?

Habang tumitindi ang tensiyon sa pagitan ng Israel at Palestine (Hamas)….iba naman ang tumitinding tensiyon sa ating bansa: presyo ng karne ng baboy! Hanoooohh? Maryusep! Kung sa gitnang silangan ay bawal ang pagkatay ng baboy kasi estatwa de samba nila ito….dito naman sa
bansa…pinagtatalunan kung sapat ba ang karne ng baboy o hindi?

Bakit usap-usapan ito? Kalkalin natin: Isang katotohanan na sa bawat paminggalan sa bansa natin, sa tuwing may ilalatag sa hapag-kainan, malimit na may karne ng baboy. Pang-sahog, steak, adobo, inihaw at ibat’ibang lutuin, laging bida ang karne ng baboy. LITSON.. Pero teka lang, pards…parang nadidiskarel yata ang kasikatan ng manok na sikat sa lahat ng mga malalaking resto sa bansa?

Kasi sabi ng iba, kulang tayo sa karne ng baboy. Upak naman ng mga negosyante, sobra-sobra nga tayo, eh. Marami tayong stock, sabi. Nasaan? Nakatago ba at di makita? Siguro, pahalukay sa DPWH kasi mahilig sila sa hukayan. Sa ganang amin na mga palengkero…tambak naman ang karne ng baboy sa merkado. May karneng bagong katay at may mga frozen din.

Kung sa probinsiya…meron pa silang tinatawag na “pindang” na paborito ng marami. Meron pang binoro lalo kung timplang kaPampangan daw. Sa Ilokandia..sarap pang sahog at pang-adobo ito. Sa
probinsiya, bago katayin ang isang baboy, nakalista na kung sino-sino ang bibili…utang nga lang at
paiyakan sa bayaran. Yan ang istorya con baboy. Habang pinagtatalunan ang suplay at presyuhan ng karne ng baboy sa bansa…iba naman ang eksena sa mga naggigiyerang Israel at Palentine.

Tiyak hindi na makakain ng masarap na adobo ang ating mga kababayang naiipit sa tensiyon doon. Kung saan-saan sila sumusuling para di mahagip ng bomba. Hindi na lang basta barilan ang nangyayari doon, pards. Bombahan na talaga. Kahit malalaking mga gusali, warat. Ayon sa ulat ng
ahensiya ng gobyerno, abot sa humigit kumulang sa tatlumpong libo ng mga OFWs na nasa lugal ng giyera. Lahat namang pagkilos ay ginagawa na ating pamahalaan para matulungan sila.

Ang masakit, may ulat na may dalawang Pinoy na ang tinutukoy na kasama sa mga namatay sa
giyerang ito. Marami din ang mga nagpapasaklolo at gustong makauwi na sa bansa. Tsk tsk..kawawa talaga si Pinoy, pards. Nang naganap ang hidwaan ng Iraq at Iran…naipit na naman ang ating mga kababayan. Sabagay, kahit saang sulok ng mundo, maraming Pinoy. Sa kaguluhang namamagitan sa kanila sa ngayon…panalangin natin ang maaga netong pagkakalutas.

Muli, saksi na naman ang mga Pinoy sa kaguluhan ng mundo. Ayon sa Phil. Embassy…dahil sa sitwasyon sa naggigiyerang mga lugal…suspendido muna ang mga biyahe patungong Israel. Kahit nanatiling bukas ang Ben Gurion International Airport na pangunahing paliparan sa Israel, pinag-iingat pa rin ng ating gobyerno ang lahat ng ating mga kababayang may balak bumiyahe. Kasi sa kasalukuyan, abot na sa 38 Pinoy ang humihiling na sila’y mapauwi sa bansa.

Sa kabilang dako naman, binawi ng Department of Agriculture ang pangamba hinggil sa epekto ng giyera roon sa ating mga produktong agrikultura. Maliit lang daw ang epekto nito. Salamat naman.
Sabi naman ng Department of Migrant Workers (DMW) na hindi pa daw napapanahon na magsagawa ng mass repatriation sa mga OFWs na naiipit sa giyera. Ang rason: hindi pa ligtas sa ganitong panahon ang paglilikas dahil sa matinding tensiyon.

Kaya ang panawagan ng gobyerno sa mga may mga kamag-anak sa Israel at Palestine lalo na sa mga wala ng kontak sa kanila na makipag-ugnayan sana sila sa OWWA at embahada natin sa Israel. Iisa ang dalangin ng lahat: sana humupa na o magwakas na ang sigalot sa lugal na yan upang balik-normal na ang buhay. Sana ligtas lahat ang ating mga kababayang naiipit doon. Adios mi amor, chao, mabalos.

MAHARLIKA

Amianan Balita Ngayon