Halos dalawang dosenang part-time NPA gerilya sumuko sa Abra

LA TRINIDAD, Benguet – Dalawampu’t-tatlong part-time na rebelde sa ilalim ng “Militia ng Bayan” ang lumutang sa Abra na sinabing nahihirapan sila sa loob ng rebolusyumaryong pagkilos, ayon sa Cordillera police noong Martes.

Nahihirapan sila at “ito ang karaniwang dahilan na nagudyok” sa kanila na sumuko at humingi ng tulong sa gobyerno, sabi ni Cordillera police director Brig. Gen. Ephraim Dickson na idinagdag na, “napagtanto rin nila na nabuyo sila sa isang mapaglinlang na adhikain na walang patutunguhan.”

Ayon sa mga awtoridad, ang pinakamatanda ay 78 taong gulang at isang “Militia ng Bayan” sa loob ng limang taon habang ang pinakabata ay NPA sa anim na taon. Mula sila sa mga liblib na barangay ng bayan ng Sallapadan kung saan malimit binibisita ng NPA at napaulat na puwersahan silang pinapaanib sa kilusang rebelde.

Tinaggap ni Dickson ang 23 noong nakaraang linggo sa Sallapadan Municipal Hall sa kaniyang mensahe: “Dakayo ti mangpaneknek nga adda ti gobyerno nga mangtulong kanyayu babaen iti ECLIP, allokuyen yo pay ti kakadwa u ta agsurrender da met “(Kayo ang magpapatunay na tapat ang intensiyon ng gobyerno na tulungan kayo sa pamamagitan ng ECLIP, himukin niyo rin ang iba pang kasamahan niyo na ibaba na ang mga armas at bumalik sa silong ng gobyerno. Sisiguruhin naming na ang nararapat na mga benepisyo ay maibibigay sa inyo)”.

Si Dickson na katutubo ng bayan ng San Juan, Abra ay sinabi na si “Ka Ikkoy” na pinakamatanda sa grupo ay nagpahayag ng paghanga sa gobyerno ng Pilipinas, lalo na sa pamamagitan ng TF-ECLAC, sa mainit na pagtanggap sa kanila pabalik sa lipunan.

Subalit kinondena ni Florencio “Ka Bram” Baluga, tagapagsalita ng Agustin Begnalen Command na nakabase sa Abra ang militar at police sa pagpuwersa sa mga mamamayan ng barangay Ud-udiao, Bazar at Naguilyan sa Sallapadan na sumuko bilang mga rebelde.

Hindi sila mga mitmebro ng MB aniya, at sa halip “sila ay mga sibilyan noong una pa, Barangay Kapitan, Barangay Kagawad, tanod, pastor ng isang relihiyon, miyembro ng mga tradisyunal na organisasyon ng mga magsasaka at
kababaihan”.

Sa pag-akusa sa mga awtoridad ng korapsiyon sa kampanya ng gobyerno sa pagsulo ay sinabi ni Baluga na ang mga opisyal ay nagbubulsa ng milyon-milyon sa pekeng kampanya sa pagsuko.

Sinabi ng tagapagsalita ng mga rebelde na linggo-linggo na iniipon ang mga sibilyan para sa interogasyon at nangangako ng “tulong nap era” basta sumuko lamang sila , ibaba ang mga armas at nire-recruit upang maging civilian informants.

AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon