Higit 2,600 katao huli sa paninigarilyo

Nakahuli ang anti-smoking task force ng lungsod ng kabuuang 2,633 na mga lumabag mula Enero hanggang katapusan ng Oktubre, ayon sa ulat ng Public Order and Safety Division (POSD) noong Nobyembre 13.
“The city was able to collect a fine of P1,634,000 during the period,” ani POSD supervisor Joel Belinan.
Sa mahigpit na implementasyon ng lungsod sa anti-smoking ordinance, unang naiulat ng task force na mula Enero hanggang Mayo 2018, may kabuuang 822 mga indibidwal at establisimyento ang nahuli sa paglabag sa nasabing batas at nakapagbayad ng multa.
Ang Ordinance 34-2017 o ang “Smoke-free Baguio” ordinance ay nagbabawal ng paggamit, pagbenta, distribusyon, at pag-anunsiyo ng mga sigarilyo o iba pang tobacco products sa mga ilang lugar, nagpapataw ng mga parusa, at naglalaan ng mga nararapat na pondo. Ito ay umiral noong Mayo 2017.
Sa ilalim ng ordinansa, ang sinumang lumabag ay magbabayad ng minimum na P1,000; P2,000; at P3,000 para sa una hanggang ikatlong paglabag.
Ang establisimyento ay magmumulta ng P2,000; P3,000 at P5,000 para sa una hanggang ikatlong paglabag, at karagdagang pagbawi sa business license.
Noong Mayo 2017, isang taon matapos umiral ang nasabing ordinansa, mayroong 1,384 na nahuling lumabag sa nasabing probisyon, na doble ang bilang sa loob lamang ng limang buwan.
Sinabi ni Belinan na ang POSD ay ginagawa ang pag-iikot, pagmomonitor sa mga establisimyento at mga pampublikong lugar, lalo na ang malalapit sa mga paaralan, kasama ang Smoke-Free Task Force ng lungsod.
Aniya may kabuuang 1,281 na mga lumabag ang nagbayad ng mula P1,000 hanggang P5,000 para sa una hanggang ikatlong paglabag. Ang iba ay mas pinili ang community service, paglilinis sa mga kalsada ng central business district o ng palengke.
Mayroong 941 mga lumabag ang nabigong i-settle ang kanilang mga parusa, subalit ipinaiwan ang kanilang mga valid identification cards. Ito ay ipinasa sa city legal office para sa nararapat na aksyon.
Maliban sa mga indibidwal, mayroon ding 217 mga establisimyento ang natagpuang lumabag sa ordinansa.
Upang mapalakas ang implementasyon ng nasabing ordinansa, naglabas si Mayor Mauricio Domogan ng Administrative Order (AO) 136 noong Setyembre 8 upang ihanda ang komunidad at district task forces na ipatupad ang anti-smoking ordinance sa mga barangay sa labas ng central business district.
Ayon kay Councilor Joel Alangsab, author ng anti-smoking ordinance, sa mahigpit na implementasyon ng Smoke-Free Baguio, umaasa ang lungsod na makuha ang unang Red Orchid Award mula sa Department of Health (DOH).
Ang Red Orchid Award ay paghahanap ng DOH sa mga government hospital, offices, at local government units (LGUs) na nagsasagawa ng 100-percent tobacco-free environment at makamit ang quality standards ng pag-iwas sa tabako na itinakda ng World Health Organization (WHO).
Layong labanan ang paninigarilyo, ang Red Orchid ay isa sa pinamakataas na award para sa tobacco-free environment, kasunod ang Pink Orchid award para sa ikalawang puwesto at ang White Orchid award para naman sa ikatlong puwesto.
Sinabi ni Alangsab na ang task force ay magpapatuloy ng kanilang trabaho upang ipatupad ang kampanya ng pamahalaang lungsod upang gawing non-smoking zone ang Baguio City at protektahan ang kalusugan ng mamamayan at turista. P.M. GEMINIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon