Ilocana nanguna sa PMA “Mabalasik” Class 2019

Pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang graduation rites ngayong araw (Linggo) sa may 258 miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Mabalasik” (Mandirigma ng Bayan at Sarili Iaalay para sa Kapayapaan) Class 2019 sa Fort del Pilar, Baguio City.
Bilang Commander in Chief, personal ding iaabot ni Pangulong Duterte ang Presidential Saber Award kay Cadet First Class Class Dionne Mae Apolog Umalla, ng Barangay Alilem Daya, Alilem, Ilocos Sur, na nanguna bilang valedictorian ngayong taon.
Bukod sa prestihiyosong award, ay ipagkakaloob din kay Umalla ang Philippine Navy Saber Award sa inaniban nitong Philippine Navy, at 12 pang major awards.
Sa naunang panayam ng ABN kay Umalla, sinabi niya na hindi umano mahalaga kung babae ang naging topnotcher, dahil nagkataon lamang ito.
“Hindi ko naman expected ito, pero I’m very proud na pinagkalooban ako ng ganitong biyaya at siyempre kasama din ang aking mga ‘mistah’. Ang karangalan kong ito ay muli kong handog sa aking mama at muli ay aakyat siya ng entablado bilang ganti ko sa kanyang pagpapalaki at pagpapaaral sa akin,” pahayag ni Umalla.
Aniya, unang umakyat sa entablado ang kanyang ina noong naging valedictorian siya sa high school sa Saint Louis College sa San Fernando City, La Union.
“Two years old pa lang ako nang iwanan kami ng aking tatay, pero hindi ito naging hadlang sa aking ina na noon ay teacher sa pagpapaaral sa akin at sa aking pangarap na maging sundalo ay ginabayan ako ng ating Poong Maykapal,” wika pa ni Umalla.
“Salute to our pride of Ilocos Sur, Congatulations Cdt.1CL. Dionne Mae Apolog Umalla, pride of Alilem, Ilocos Sur for a well-deserved success in topping the PMA ‘Mabalasik’ Class of 2019. You have put the province on the spotlight.
This is merely your first step on the way to success. You may well stand out with this achievement that you are now holding you won star. I wish you surpass the expectations that your career puts forth. You deserve this success”, pahayag ni Ilocos Sur Ryan Luis Singson, sa post sa kanyang FB account.
Ipinagbubunyi din ng Cordillera ang apat na “kailyan” na kabilang sa top ten ng PMA “Mabalasik” Class 2019. Ang apat na Cordilleran ay sina Cadet First Class Jahziel Gunapac Tandoc (No. 3) ng La Trinidad, Benguet; Daniel Heinz Bugnosen Lucas (No. 4) ng Barlig, Mountain Province; Richard Balabag Lonogan (No. 6) ng Sagada, Mountain Province; at Glyn Buansi Marapao (No. 8) ng Buguias, Benguet.
Pasok din sa Top Ten sina Cdt 1CL Jonathan Eslao Mendoz (No. 2) ng Cavite City; Cdt 1CL Aldren Maambong Altamero (No. 5) ng Kidapawan, North Cotabato; Cdt 1CL Marnel Dinihay Fundales (No. 7) ng Leganes, Iloilo; Cdt 1CL Ruth Angelique Ricardo Pasos (No. 9) ng Pasig City; at Cdt 1CL Daryl James Jalgalado Ligutan (No. 10) ng Sta. Mesa, Manila.
Ayon kay PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista, si Umalla ang ikalimang babaeng valedictorian ng PMA, mula nang tanggapin ang kababaihan sa akademya, kasunod sina Arlene dela Cruz noong 1999; Andrelee Mojica noong 2007; Tara Velasco noong 2013; at Rovi Mariel Martinez noong 2017.
“Actually very proud ang kababaihan ngayon, dahil sa kasaysayang ngayon lang naging limang babae ang nakapasok sa top ten”, wika pa ni Evangelista.
Sa mga nagtapos sa Mabalasik Class, 131 ang maglilingkod sa Philippine Army; 63 sa Philippine Air Force; at 64 sa Philippine Navy.
 
Zaldy Comanda/ABN PMCJr-ABN

Amianan Balita Ngayon