Imee: RITM simbolo ng dekadang Pagkabaon sa limot

Sa nakalipas na 39 taon, ang Research Institute of Tropical Medicine ay inatasan na proteksyunan ang taongbayan sa mga nakahahawang sakit. At ang tanging magagawa natin ay bigyang proteksyon ang mga taong nasa likod ng RITM kabilang na ang mga health workers na maaaring mamatay dahil sa infection,” pahayag ni Senator Imee Marcos.

Ayon kay Marcos, nakalulungkot dahil sa paggunita ng ika-39 anibersaryo ng RITM, 43 tauhan nito ang dinapuan ng COVID-19 dahilan ng backlog sa pagsusuri sa libu-libong specimen mula sa mga hinihinalang kaso ng impeksyon.

Sinabi ni Marcos, kabilang sa mga tauhan ng RITM na dinapuan ng sakit ang 1,062 na mga doktor, nurse at iba pang health care workers, na sa kasalukuyan ay kabilang sa 16% ng kabuuang kumpirmadong kaso ng COVID19 sa Pilipinas.

Ayon pa kay Marcos, ang naka-aalarmang datos na ito ang dahilan kaya tinawag ng World Health Organization ang Pilipinas bilang “outlier” o pinakamalala sa Western Pacific region, na binubuo ng 37 mga bansa kung saan pumapalo lang sa 2% hanggang 3% ang mga kumpirmadong kaso.

“Nagsimula ang tila pagkabaon sa limot sa RITM halos 30 taon na ang nakalilipas matapos itong ituring ng Cory Administration na salot, dahil lang sa ito ay pinatayo ng aking Ama, ang dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, sa pamamagitan ng Executive Order No. 674 noong 1981,” paliwanag ni Marcos.

“Nasayang at naisantabi lang ang sana’y teknikal na kooperasyon sa pagitan ng gobyerno ng Japan na tumulong para maitayo ang RITM bilang pangunahing biomedical research center ng bansa para makontrol ang anumang nakahahawang sakit, pero tila nakalimutan ang halaga nito na makatutulong ng malaki sa atin ngayon,” ayon pa kay Marcos.

Ang pagkabigo ng Department of Health o DOH, ang mother agency ng RITM, sa aral ng nakaraan kung saan ilang mga pandemya na rin ang tumama sa bansa: acute immunodefficiency syndrome (AIDS), severe acute respiratory syndrome (SARS), ang Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERSCoV), at ang kasalukuyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Isinusulong din ni Marcos ang Senate Bill 1407 ang angkop na pagpopondo sa tila pinaka-napabayaang ahensya ng DOH, para sagipin ito sa pagkabulok, madagdagan ang mga kuwalipikadong tauhan at kanilang mga sahod, mas mapalawak ang presenya lalo na sa labas ng Metro Manila at muling buhayin ang epektibong kakayahang hawakan ang anumang posible pang pandemyang tatama sa bansa sa hinaharap.

Amianan Balita Ngayon