IRINGANG MARCOS-DUTERTE.. TUMINDI!

Ito na talaga ang totoong SUSMARYUSEP! Parang dalawang bulkang matagal na natulog ang biglang nagising!
Sabagay, noon pang kampanyahan bago naging pangulo si Pres. Bongbong Jr….may mga parang “lava” na sa ilalim ng mga bulkan na gustong bumulwak at maghasik ng lagim. Ito na, mga kababayan…nagaganap na ang simula ng pagbulwak ng naturang lava na matagal sigurong nakimkim. Ating uriratin: Habang sinusulat ang espasyong ito…marami na ang mga ganap sa pag-aalburuto ng mag-amang Digong at Baste nguni’t pasalamat tayo dahil kalmante lang ang panig ng tinatamaan na si Pres. Ferdinand Bongbong Marcos Jr. Marami ang humahanga sa pagkakalmado ni Pangulong Marcos sa mga talak at patutsada ng mga Duterte.

Sabi nga nila: kung sasabay sa ngayon ang init ng ulo…baka magkakapulutan ng ulo sa kangkungan. At kapag
nagkataon, lalong apektado ang buong sambayanan. Katunayan nga…bago tumulak pa-Vietnam si Pres. Bongbong ay binira na siya ni Ex-Pres. Digong at binansagan pa nyang “Bangag” o “Adik sa droga”. Sa halip na ipagpaliban ang
biyahe…itinuloy ni PBBM dahil ito’y mahalaga para sa bayan. Ngayong nakauwi na uli siya sa bansa…dala ang maraming biyayang pangako ng Vietnam…ano kaya ang mga magaganap na eksena?

Abangan! Ang upak ni dating Pangulong Digong: “Bangag o adik sa droga” daw si Pres. Bongbong Jr. Balibag naman ni Pres. Bongbong: “adik” din sa FENTANYL (gamot kontra matinding kirot) si Digong. Na ayon sa ulat, baka may sideeffect ito sa utak ng dating pangulo kung bakit siya biglang nagngangawa. Sa panig ni Bongbong… walang
lumabas na reaksiyon hinggil sa alegasyong bangag o adik sa droga. Sa isyu naman ng “fentanyl”…sabi ng team Duterte…matagal na raw nyang itinigil ang paggamit sa naturang gamot.

Ang masakit na bunga ng iringan: nakalkal na ang nakaraan. Siba pa ni Ex-Pres. Digong na noon pang panahon ng kampanyahan, ang anak lang niyang si VP Sara Duterte ang kanyang ikinampanya o tinulungan at hindi kasama si Bongbong. Na ang ibig sabihin, noon pa man…talagang may galit nang kinukuyom si Digong kontra Bongbong. Noon pa pala may tensiyon sa pagitan ng Marcos at Duterte na ngayon lang pumutok. Tanong ng marami: bakit hindi ipinutok noon ni Digong nang siya’y nakaupong presidente pa?

Dahil kaya sa imbestigasyong ginagawa ng ICC (International Criminal Court) na kinalkal ang hinggil sa “war on drugs” issue sa panahon ng Duterte Administration? Magkasabay ngayong binabantayan ng marami ang kontrobersiyang banat ni ExPres. Duterte kontra Pres. Bongbong Marcos Jr. at ang isyu sa “People’s Initiative”
(PI) para sa Charter Change o Cha-cha. Sa ating nalalaman, ilang beses nang tinangkang balasahin ang Charter Change pero walang nangyari.

Ang puntirya ng administrasyon ngayun ay para lang sa pangekonomya ang lalamanin ng balasa sa konstitusyon. Pero sabi naman ng mga kontra na baka raw maisasama ang isyu ng “term extention” o maaring walang katapusang termino sa panunungkulan. Itinuturo ng ilang personahe gaya nina Alfredo Garbin Jr. bilang convenor ng PI at Noel Onate ng People’s Initiative for Reform Modernization and Action (PIRMA) na umaming nakipagpulong diumano kay House Speaker Martin Romualdez.

Isa ring nagngangalang Atty. Anthony Abad ang itinuturong nasa likud ng pagpapapirma o “signature campaign” para sa imyenda ng 1987 Constitution ayon kay Sagip Partylist lawmaker Rodante Marcoleta. Tuloy..parang napundi na rin ang timpi ni Sen. Imee Marcos sa kanyang opening statement sa Senate Committee on electoral Reforms and People’s Participation. Sabi niya: “Sinumang magsabi na walang paki ang Senado sa usaping ito, isa lang ang masasabi ko: Walang gamot sa kakapalan ng mukha mo!” Walang pinangalanang tao pero para sa marami, kilala na kung sino.

Dahil sa nagaganap na mga kontrobersiya…umaapela ang Pangulong Bongbong Marcos Jr. na itigil na ang pagsusulong ng people’s initiative dahil lumalala na ang “Political crisis” sa kapulungan ng dalawang sangay ng Kongreso. Ang tapik ng Daplis: kung hindi sana nagpadalus-dalos sa pagsusulong sa Cha-cha, walang ganitong gulo. Pati tuloy tayong mamamayan ay nadadamay sa mga maling desisyon. Dapat munang pagaralang maigi ang naturang isyu at palamaigin ang mga kumukulo at nagbabagang sitwasyon bago ito lumala at pumutok nang
malakihan.

Abangan din ang mga bagong kumukulong kontrobersiya sa pagbubulgar ng isang dating pulis na miyembro ng “Death Squad” ng Davao City na si VPSara Duterte daw ang nasa likud ng “Oplan Tokhang” at ang hamon ni ExPres. Digong kay Pres. Bongbong na sila’y sasalang sa DRUG TEST. Idagdag pa ang pagsang-ayon ni Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa mapa ng Pilipinas. Susmaryusep! Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon