Kaluwagan o Kaligtasan

NAGMULA nang pormal na ilawan ang Christmas Tree sa Session Road rotunda ay walang tigil ang mga pagpuna, walang oras na hindi nagging tamilmil ang halos ay malawakang pagkabahala sa mga pinatutupad na mga dapat at hindi dapat na gawin sa panahon ng patuloy na pananalasa ng pandemya.

Hindi kataka-taka ang bugso ng mga alingasngas tungkol sa dalawang malawakang pagpapasinaya ngayong buwan ng Kapaskuha: ang pagpapailaw sa naitayong istraktura sa tuktok ng Session Road at ang muling pagbubukas ng pamilihang panggabi sa Harisson Road.

Ang huling balita ay mariing bubusisiin ang anumang mga pasinaya na maaaring maganap sa Kapaskuhan, maging ang naisarang Night Market, na kung saan nagmistulang higanteng unos ng madla ang pagtangkilik. Naitapon sa bintana ika nga ang anumang mga kabawalan sa panahong nandyan pa ang coronavirus at handang dakmain ang sinomang iresponsable at gunggong na iniwawaksi ang mga kautusan ng kaligtasan.

Lahat ng mga pagtitipon ay dapat na gawing limitado, o kanselado, depende sa nagaganap na pagsasaya. Wala munang pamamasko tulad ng Christmas Caroling. Ang Simbang Gabi ay maaaring isagawa ngunit hindi lalagpas sa kalahati ng inaasahang mga nagsisimba.

Eh paano na ang Pasko, ang Bagong Taon, at iba pang talamak na pakikipagsaya (tulad ng mga fireworks sa nakatandaang kaugalian)? Palilipasin na lamang ba ng Pilipino ang kultura ng pagsamba at pagbibigay dangal sa pagsilang ng kanyang Dakilang Manunubos? Tuluyan na bang iwawaksi ang iba pang mga aktibidad na taon-taon ay isinasagawa ng Pamilyang Pilipino? Wala na munang mga family reunion at mga social gathering na nagbibigkis sa pagiging Pilipino, anuman ang pinagmulang kaugalian, Ilocano, Igorot, P a n g a s i n e n s e , Kapampangan, Tagalog, Bicol, Bisaya, Ilonggo, atbp?

Eh kasi naman, mismo dito sa ating lungsod, munting kibot, puna rito at roon. Kapansinpansin na mismong si Mayor Benjie ang tila hindi napigilang ilabas ang saloobin ng kanyang makita kung gaano karami ang dumalo at tila di mahulugang karayom ang dagsa na tao na tila alon sa dagat na papalaki habang patungo sa dalampasigan. Aba eh, sino naman ang mag-aakala ng simpleng programa lamang ng sayaw at awit, at mga mensahe ng kinauukulan, ay magsisilbing mitsa ng hindi matatawarang kasiyahan upang ipag-kibit balikat ang mensahe ng kaligtasan.

Bagama’t inako ng ating Ama ng Lungsod ang pananagutan sa nangyaring tahasang paglabag sa mga kautusan ng health practices, hindi ikinakaila na nagkaroon ng tila walang unawaang koordinasyon ang mga tagapamahala ng mga ganitong uri ng pagsasaya. Sino ng ba naman ang mag-aakalang bibitaw agad ang madling pipol at walang pakundangang ipagwawalang bahala ang mga alituntunin ng kalusugan at kaligtasan?

Kung nagkaroon ng malawakang paglabag dahil nga siksikan ang madla, maaaring may mga pagkukulang ang mga naatasang magpatupad ng mga patakaran. Pwede ring hindi inaasahang ganoon karami ang dadalo, gayong simple at payak naman ang programang taunan naming isinasagawa. Isabay mo pa ang gaganaping pagbubukas ng Night Market pagkatapos ng programa sa Session Road, eh saan pa pupunta ang mga nagsidalo kundi doon sa susunod na pasinaya.

Isang hamak na palagay lamang: ang pagpapailaw sa ating Christmas Tree at ang muling pagbubukas ng Night Market — ay signos lamang ng hindi napigilang pananabik ng madla upang  makabahagi ng personal sa mga kaganapang magpapalaganap ng kasiyahan saan man ito gaganapin.

Tanggapin na natin na naunsyaming tuluyan ang madling pipol. Walong buwan mong ipagbawal ang mga pagtitipong ganito, natural lamang na sa muling pagpayag ng mga kasayahang ganire, malaking dagundong ng tao ang maririnig, isang madla na laang ibuwis ang disiplinang kay tagal ding nyang sinunod. Ilang oras lamang naman daw ang lilipas, ngunit ang buhos ng kasiyahan ay walang katumbas.

Ang pinakamahalagang liksyon na dapat pairalin sa Kapaskuhan ay ang prinsipyo ng disiplinang dapat ay madiing plataporma ng anumang kaugalian at nakagawiang mga asta ng buhay. Sa panahon ng pandemya, sa mga pagkakataong binibigyan ang madla ng bukas na mga espasyo upang makaniig ang kapaligiran at kalikasan, lalo at higit na buwanang mabibilang ang naipatupad na mga Hindi at Ayaw sa ngalan ng kaligtasan, higit na kailangan ang malawakang pagsunod sa mga patakarang magliligtas kanino man.

Ang tagumpay ng anumang programa ngayong mga mapanganib na panahon ay nasa ating mga kamay, ika nga. Ang pagsusuot ng facemask at face shield sa tuwituwina, ang pagsunod sa alituntunin ng social distancing, ang pag-iwas sa mga pagtitipon-tipon ng higit sa naitakdang patakaran, ang mas malimit na paghuhugas ng kamay, gamit ang sabon at tubig. Napaka simple, malinaw, at naiintindihang mandato ang kailangan lamang sundin, minuminuto, oras-oras, araw-araw, kada lingo, kada buwan.

O paano? Kaluwagan o Kaligtasan? Marami pang araw ang Kapaskuhan sa Baguio. Ang nangyari ay panimula pa lang. Nasa atin ang kakayahang baguhin ang mga patakarang madaling hugutan ng paglabag.

Ang pagtalima sa mga kautusan ay gawin na nating pag-uugali. Ang pagiging masayahin ay likas sa ating mga Pilipino. Ngunit sa panahong nandyan pa si coronavirus, doble, tripling pag-iingat ang dapat lamang nap ag-uugali.

Amianan Balita Ngayon