Karahasan laban sa kababaihan, bumaba ng 49% sa unang quarter sa Pangasinan

LINGAYEN, PANGASINAN – Bumaba ang bilang ng karahasan laban sa kababaihan sa probinsiya para sa unang tatlong buwan ngayong taon ng 49 porsiyento o 134 na kaso na naitala mula Enero hanggang Marso 21 kumpara sa 263 na kaso ng parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Pangasinan Police Provincial Office Women and their Children Protection Desk Police Chief Inspector Genevieve Poblete na ang kasong panggagahasa ay bumaba ng 15 ngayong taon mula sa 23 noong nakaraang taon samantalang ang acts of lasciviousness ay may kasong 11 ngayong taon kumpara sa 20 noong nakaraang taon.
Gayunpaman, ang kasong attempted rape ay tumaas ngayong taon na may apat na kasong naitala kumpara sa tatlo noong 2017.
Wala namang naiulat na sexual harassment at mail-order bride incidents ngayong taon, kumpara sa isang sexual harassment at 50 mail-order bride incidents noong nakaraang taon, ani Poblete.
Sa karagdagan, ang naitalang kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 mula Enero hanggang Marso ngayong taon ay bumaba ng 23 porsiyento kumpara sa data ng parehong panahon noong nakaraang taon, ani Poblete.
Sinabi rin niya na ngayong taon, ang bilang ng mga paglabag na nakapaloob sa RA 9262 ay bumaba kumpara sa datos noong nakaraang taon.
Paliwanag pa ni Poblete na ang mga kasong physical abuse ngayong taon ay lumiit mula 106 sa 61; psychological abuse na bumaba mula 38 sa 24; economic abuse mula 17 sa 16 at sexual abuse mula tatlo ay isa lamang ngayong taon.
Maraming intervention programs at projects para sa mga biktima kabilang ang livelihood training, dialogue at counselling.
Upang maiwasan ang mga karahasan laban sa kababaihan at bata, sinabi ni Poblete na ang implementasyon ng curfew hours sa mga menor de edad ay kailangang istriktong ipatupad, information dissemination hinggil sa RA 9262, RZ 7610 at anti-illegal drug prevention, police visibility at lecture/training sa basic self-defense. H. AUSTRIA, PNA

Amianan Balita Ngayon