Kawaning Baguio magsusuot na ng face shields

LUNGSOD NG BAGUIO – Habang ang pagsusuot ng face shield bago sumakay sa mga public utility vehicles ay mag-uumpisa sa Agosto 15, 2020, inutusan ni Mayor Benjamin Magalong ang lahat ng empleyado, manggagawa at iba pang personnel ng mga business establishments, mga bangko at opisina ng gobyerno na magsuot ng face shield habang naka-duty.

Binigyang-diin ni Magalong sa kaniyang executive order 118 series of 2020 ang pagtaas ng impeksiyon ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod mula ng paluwagin ang mga restriksiyon sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) at ang agresibong operasyon ng lungsod para sa expanded testing sa iba’t-ibang sektor.

Sinabi niya na palaging pinapaalalahanan ang mga tao na maging mapagmasid, mahigpit na sumunod sa health safety protocols.

“Although minimum public health standards are prescribed by national health authorities to limit risk of transmission, additional measures such as the use of face shields or transparent physical barriers must be implemented,” ani Magalong.

Binigyan-diin ng mayor ang executive order 93 series of 2020 na nag-uutos sa lahat ng manggagawa, empleyado at vendors sa public markets satellite markets, supermarkets at grocery stores, at drivers ng PUVs na magsuot ng face shields, facemasks at hand gloves.

Sinabi ni Magalong na ang direktiba ay dapat na palawigin pa at isama ang mga industriya na nagtaas ng kanilang operational capacity mula ng ipatupad ang mga alituntunin sa MGCQ.

AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon