KRISIS… BAKIT LAGING SUMASABAY

Tanong: bakit kaya laging sumasabay sa lahat ng panahon ang KRISIS? Kahit pa napakahigpit at
napakabigat ang mga paraan para kmakaiwas, bumubuntot pa rin ang krisis? Dahil kaya sa
pangangailangan kaya ito laging sumasabay? Subukan nating himay-himayin mga pards: Sa Hulyo 24…malalaman na ng buong sambayanan kung ano ang buod ng mensahe ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ikalawang SONA. Pero ngayon pa lamang, marami na ang mga hula mula sa iba’tibang sector ng lipunan.

Nakararami ang isyu ng kahirapan, pag-unlad, patrabaho, seguridad at maraming mga illegal na mga aktibidades. Gaya ng mga nagdaang mga SONA ng iba’tibang administrasyon… sumesentro lagi sa kung papano matugunan ang kahirapan. Ayon sa mga analysts: kakulangan sa sipag at tiyaga kung bakit tayo naghihirap. Mayaman ang ating bansa ng lahat ng likha ng Diyos ngunit nasa atin ang pagkukulang upang pagyamanin ang mga eto at pakinabangan.

At sa dami ng pagkakataon, higit na kinakagat ang mga pangmadaliang ginhawa sa kaunting pagtitiyaga kahit pa suungin ang mga illegal na paraan. Diyan sumasabay ang katagang KRISIS sa buhay. Nang bumanat ang pandemya sa mundo dahil sa Covid-19….maraming bansa ang nagtala ng mataas na bilang ng mga tinamaan at namatay. Ang dahilan: krisis sa kaalaman hinggil sa naturang sakit at hindi napaghandaan.

Hanggang sa panahon na nagkaroon na ng bakuna laban dito marami pa rin ang mga namamatay dahil hindi sumunod sa mga alituntunin para maiwasan ang Covid-19. Alam ng tao na nakamamatay ang sakit na ito, pero ayaw sundin ang mga payo sa pagiingat. Suma-total, lumala ang pagkalat ng epidemya. Kahit dito sa ating bansa, maraming lugal ang kakikitaan ng paglabag sa health protocol bagama’t maraming lugal din ang patuloy na sumusunod sa tuntunin ng pag-iingat.

Sabagay, nasa atin kung susunod o hindi. Total, tayo naman ang mananagot kung sakali. Muli ang katagang – KRISIS…..krisis sa paggamit ng sariling disposisyon. Ang KRISIS ay pahanon ng matinding kagipitan o peligro. Katulad ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin. Kakulangan sa suplay ng pagkain, bigas, karne at iba pa. Kalamidad. Krisis na nagreresulta sa kahirapan, kahinaang-loob, kaguluhan at kawalan ng pag-asa. Sabi ng ilan: di bale, sanay na tayo ng ganitong situasyon. Di na raw tayo tinatablan ng krisis dahil sanay na raw tayo.

Kung ganun, di na ba natin kailangang baguhin ang takbo ng buhay kung maari namang bawasan o iwasan ang KRISIS? Hindi tumitigil ang gobyerno sa paghahanap ng mga solusyon ng lahat ng uri
ng krisis sa ating lipunan. Ang kulang sa atin ay ang pagtanggap ng mga pamamaraang ito na inilalatag ng gobyerno sa atin. Marami sa atin ang nakasandal na lamang kung ano ang naibibigay sa atin sa halip na tulungan ang gobyerno para makatulong din tayo sa mga nangangailangan.

Ang masaklap, maninisi pa tayo kapag dumapo sa atin ang krisis ng kahirapan. Dapat lagi tayong manalamin at suriin ang gampanin sa lipunan. Kabisig ba tayo o pasanin? Kaya sa pinaka-pinal na pondasyon ng ating pag-unlad ay SIPAG at TIYAGA. Bawasan ang pagiging makasarili. Adios mi
amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon