Libreng legal aid, ipinagkaloob ng University of the Cordilleras

Inihandog ng University of the Cordilleras-College of Law (UC-COL) sa publiko ang libreng legal aid at serbisyo legal na kinabibilangan ng konsultasyon at panotaryo noong Marso 20 at 21, 2017 sa People’s Park, Baguio City.
Isinagawa ang legal aid upang ituro sa mga estudyante ng UC-COL at sa publiko na ang practice ng law ay dapat palaging tumutulong. Ito rin ay upang maipaabot ang libreng serbisyo legal sa publiko lalo na sa mga taong hindi makayanan ang kumuha ng serbisyo ng abogado.
“We are aware in the UC college of law that the practice of law is actually geared towards public service…that the purpose of being a lawyer is to help,” ani Allan Basto ng UC-COL.
Maliban sa serbisyo legal, nagkaroon din ng libreng panotaryo ng mga affidavit, kontrata, at iba pang legal na dokumento. Nagbigay ng kanilang libreng serbisyo ang ilang practicing lawyers sa iba’t ibang larangan na nagtatrabaho sa gobyerno at pribado.
Kadalasang problemang legal sa probinsya ng Cordillera ay mga kaso ng pag-aari ng lupa, estafa, legal separation, karahasan sa kababaihan at mga bata, ilang kaso ng pagpatay at kung paano ang proseso ng pagdedemanda. Liezel Eunice Callejo, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon