Libreng training sa barangay, isinagawa ng BFP at CDRRMC

LUNGSOD NG BAGUIO – Kasalukuyang nagsasagawa ang Bureau of Fire Protection – Baguio, ng dalawang araw na barangay fire brigade training sa tanggapan ng City Disaster Risk Reduction And Management sa Motorpool, Lower Rock Quarry Barangay.
Nabigyan ng tig-dalawang araw ang iba’t ibang barangay na kasali sa training at seminar na inihahatid ng BFP at CDRRMC.
Nahati sa apat na pangkat ang mga barangay sa lungsod upang mabigyan ang lahat ng tsansa na makasali sa pagsasanay. Tatagal ang naturang seminar mula ika-31 ng Hulyo hanggang ika-3 ng Agosto para sa una at ikalawang batch at magpapatuloy sa ika-7 hanggang ika-10 ng Agosto para sa ikatlo at ikaapat na batch.
Pangunahing tinututukan na mabigyan ng pagsasanay ang 25 na fire prone areas sa lungsod na kinabibilangan ng Sto Tomas Proper, City Camp Central, San Vicente, Atok Trail, Holy Ghost Extension, Brookside, Loakan-Apugan, Lower QM, Dominican-Mirador, Lucnab, Outlook Drive, Poliwes, Gibraltar, Camdas, Happy Hollow, Camp 8, Pucsusan, Ambiong, Asin Road, Upper Quezon Hill, Lower Lourdes, SLU-SXP, GEFA, at Salud Mitra. Kabilang din dito ang Barangay Gabriela Silang ngunit hindi nakadalo ang kinatawan nito.
Dumalo sa pagsasanay ang mga kinatawan ng mga naturang lugar partikular ang mga barangay tanod at namumuno sa komite ng barangay disaster risk reduction and management.
Ayon kay FO3 Leo A. Mendoza, fire arson investigator ng BFP-Baguio, layunin nilang maturuan at sanayin ang mga kinatawan ng barangay risk reduction committee ng mga basic life support, first aid, LPG management at fire fighting upang kung sakaling may mangyaring sunog o kahit ano pa mang kalamidad ay maagapan nila agad ito.
Ayon pa kay Mendoza, malaking tulong ang pagkakaroon ng seminar dahil kahit papaano ay mapupunan ang kakulangan sa tao ng BFP dahil ang barangay risk reduction committee ang magiging kaagapay nila.
Dagdag pa niya, talagang nakikipagtulungan ang mga kinatawan sa kanilang proyekto. Makakatanggap ng certificate lahat ng sumali sa nasabing seminar.
Ilan pa sa mga aktibidad na kanilang ibinibigay ay ang fire safety orientation seminar kung saan malalaman ang sanhi at estado ng sunog, paggamit ng fire extinguisher, at proper response and procedure kapag may lindol. Kinakailangan din na magsagawa ng mga drills sa kani-kanilang barangay upang maging handa sa panahon ng kalamidad. BREN ANTONETTE C. EMBESAN, UC Intern

Amianan Balita Ngayon