LUMIHIS SI BETTY

HABANG PATULOY ang pananalasa ni covid, at hindi bumababa sa 11,000 na bagong kaso ang
naitatala sa buong Pinas, hindi naman magkadaugaga ang mga paghahanda, hindi laban ke Covid, kundi ke Betty. Ngayong Linggo nga, at mula pa noong Webes, tila naisalba ang Pinas, lumihis si Betty, pa-kurbadang umakyat patungong Japan! Halos buong linggong ginugulantang tayo ng mga
pinakahuling balita, maski na wala pa sa parte ng Pilipinas, yung tinatawag na Philippine area of
responsibility, kung nasaan na ang sinasabing super storm. Nang tamaan ang Guam, at patuloy
niyang tinahak ang direksyong north-west-north, an gating bansa nga ang tinatarget, Batanes at
Cagayan.

Idagdag pa ang hinihilang southwest monsoon paakyat, habagat ang nakagawiang bansag dito, at tila mala-delubyo ang bagyong paparating bawat araw. Laking himala, biglang lumiko paakyat si Betty, tila baga mas pinili pang makapainsala sa Japan. Save by the bell, ang masayang bungad ni Mamang Barbero. Oo nga’t matindi din ang hambalos ng hanging dala ni Betty. Sumisipol na akala mo ay paswit ng isang parading nagsisimula sa Session Road. Idagdag mo pa ang dumaang ulan sa atin dito sa Cordillera at sa Baguio mismo. Ilang araw simula ntong Lunes na yakap natin ang pag-alala at pangamba. Sana naman ay hindi ganoon kalakas ang hambalos ng bagyo. Sana naman ay lumihis, kahit konti lang.

Ngayon ay pwede na tayong muling sariwain ang init ng panahon. Iba talaga ang Pinoy. Nitong tag-init, ang tanong ay kelan ang tag-ulan? Ngayong me bagyong muntik ng makapaminsala, ang tanong naman, “Kelan ulit ang taginit?” Balikan natin ang halos ay lampas ng 3 taong singkad ang
matagal na nating bisita sa Pinas. Nandyan pa rin si covid, aaligidaligid, kukurap-kurap, at dahil may dalang sariling bagsik ang bagong kaanyuan nito, walang humpay naman ang pagbulusok ng mga kaso. Oo nga at panibagong peligro ang umiiral dala ni covid. Hindi sya natitinag. Kung akala natin, nitong mga nakaraang buwan, ay nawawalan na sya ng buhay, hindi pa pala. Kung akala
natin, patungo na si covid sa huling hantungan, hindi pa pala. Eto sya, may bagong lakas na muling humahagupit, may bagong enerhiya na humahawa.

Akalain mo, araw-araw ay ginugulantang tayo ng mga pahayag na lampas 12,000 ang mga bagong kaso sa loob lamang ng isang araw. Kumpara sa mga nagdaang linggo, mataas na bahagdan ang nangyayari. Hindi lamang nagpapataas ng kilay. Hindi lamang nagpapakulo ng tiyan. Kahit pag-iisip, ginugulo, pati ang pusong matagal ng kampante, ginagambala. Huwag nating ipagwalang
bahala si covid. Isa syang mailapnab anta sa ating buhay. Nito ngang nakaraang mga araw, ang mga kaibigan natin na ilang taon ding hindi tinamaan ni covid, binigla tayo ng bagong kaalaman na
nahawa na. Mga taong naiwasang mahawa sa loob ng higit dalawang taon, ngayon ay naisama bigla sa mga listahan ng hawaan. Patunay ito na patindi ng patindi ang bagong banta ng pandemyang lampas dalawang taon na nanalasa sa buong mundo.

Walang araw na nagdaan na hindi pinalampas ang ating mga eksperto sa kalusugan sa paglalahad ng ating pambansang kundisyon. Para bagang, kinokundisyon tayo na ang huling hininga ni Covid ay wala pa sa linya. Isang kalaban sya na hindi masupil-supil, hindi matinag-tinag. Walang kakurapkurap kung umalma. Walang biro, hindi dapat biroin ang mga lomolobong hawaan. Sa loob lamang ng isang araw, biglang tumalon ng isang libong metro ang bilang ng mga nahawahan.
Balikan at muli nating unawain natin ang mga pangyayari. Ang pinakahuling bersyon ni covid ay may ngalan na XBB, isang mutated viral form na mula pa noong isang buwan ay nagsimulang manalasa sa iba’t ibang lugar sa Asya kung saan kabilang ang ating mahal na ‘Pinas.

Tinamaan ang India, ang kalapit na mga bansa nito, at ngayon nga ay nakarating na sa atin.
Ang sabi, si super-variant XBB ay mula sa Omicron na isang bagong panganib na hinaharap ng
sangkatauhan. Kasama syempre ang Pinoy at Pinay na tila dedma at walang pagkabahala na binabalikat ang sangkatutak na problema ng buhay.  Noon pa man, pinayuhan na tayo na maging mapagmasid, at sundin ang mga pangunahing panuntunan para na rin sa ating kalusugan. Ayon sa huling paglalahad, nasa higit 30% na ang inakyat ng positivity rate, isang kagulat-gulat na pagbulusok sa loob lamang ng ilang araw. Dati ay nasa mga 500 lamang ang average case count sa buong bansa. Biglaan, naging 1,500 plus na.

Ngayon nga, binubulaga na tayo ng higit sa 12,000 na mga bagong kaso sa buong bansa. Nitong nakalipas na ilang araw na nga, palaging pangunahing balita pang kalusugan ang sumasambulat
sa atin. Walang humpay ang mga babala dahil nga patuloy tayong kakaba-kaba. Dumadagundong ang pangamba na bukas makalawa, baka ilang malalapit na tao sa ating paligid ang bigla na lamang na tatamaan ni covid. Tunay na kakaiba si XBB, higit na mabilis na humawa, at malamang dahil sa lomolobong mga bagong kaso dapat pangilagan tulad ng ating pagkatakot sa mga naunang mga anak ni Covid, tulad ng Delta na syang pinakamatindi sa mga nanalasa sa atin. Kaya naman, dito sa Baguio, buong giting at galing ang Punong Abala, si Mayor Benjie, upang mapanatili ang kaayusan at walang pangambang pagharap sa bagong banta.

Kanyang ibinalik ang mandato ng face mask sa mga indoor setting, sa mga matataong lugar, sa mga
pagdiriwang na syang pagmumulan ng hawaan. Patuloy ang kanyang panawagan na maging mapanuri at mapagmasid. Sabi nga nya, tapangan natin ang kalooban na tanggaping matindi ang laban ke covid. Iisa lamang ang kasagutan: Laban pa, ibuhos natin ang atensyon na maging protektado, maging ligtas sa anumang pagkakataon. Anya, pag-ibayuhin ang pagiingat, lalo na ang mga matatanda at mga indibidwal na may maselang karamdaman, na itinatayang syang mga unang tatamaan ng panibagong pagkakahawa.

Ang bagong banta ay nandyan, naghahanap ng mapupuksa, mahahawahan. Huwag na huwag maging kampante. Hugas-kamay, Wastong distansya sa kapwa. Muling pagsusuoot ng face mask sa mga matataong lugar, lalo na sa mga indoor setting mga pampublikong sasakyan, mga pinapasyalang shopping center at mall. Ang mga paraang ito ay mga pansariling kaligtasan. At kaligtasan ng mga mahal sa buhay. Kasama na ang mga kaibigang ngayon ay nasa listahan na. IngatAngatTayoBaguio, dyan tayo may aasenso!

Amianan Balita Ngayon