Lungsod pinag-iisipan ang regulatory fees sa street parking

LUNGSOD NG BAGUIO – Pinag-iisipan ng pamahalaang lungsod ang pagpapatupad ng regulatory fees para pagpaparada sa mga piling kalsada sa loob ng central business district.

Inindorso ni Mayor Benjamin Magalong sa konseho ng lungsod ang pagpasa ng isang ordinansa na payagan ang koleksiyon ng nasabing bayarin sa mga piling kalsada mula 6 n.u. hanggang 9 n.g. araw-araw na may panukalang bayarin na PhP35 para sa unang dalawang oras at karagdagang PhP10 para sa mga susunod na mga oras para sa regular na sasakyan at PhP20 para sa unang dalawang oras at PhP5 para sa susunod na oras para sa mga motorsiklo.

Sinabi niya na nagawa ang desisyon matapos konsultahin ang mga miyembro ng Land Traffic and Transportation Management Committee (LTTMC) at ang Baguio City Police sa potensiyal na epekto ng hakbang sa kondisyon ng trapiko sa lungsod.

Sa kasalukuyan ay pinapayagan ng lungsod ang libreng pagpaparada mula 9 n.u. hanggang 4 n.h. sa Session Road, Calderon St. at bahagi ng Abanao St. ayon kay Baguio City Traffic Management Bureau head Police Chief Inspector Olover Panabang.

Sa panukala, 13 kahabaan ng siyam na kalsada ang magiging sakop ayon sa listahan na ibinigay ni City Treasurer Alex Cabarrubias na inatasan ng mayor nap agaralan ang regulatory scheme sa koordinasyon sa City Engineering Office Traffic and Transport Management Division.

Ang panukalang sakop ay ang Lower Session Road (buong kahabaan at parehong lanes), Upper Session Road (Leonard Wood junction hanggang Casa Vallejo at Kalaw Road junction hanggang PFVR gym entry); Kalaw St. (buong kahabaan harap ng Court of Appeals); Assumption Road (corner Seesion Road hanggang corner Gen. Luna left lane); Harrison Road (buong kahabaan hanggang Jose Abad Santos Drive); Calderon St. (buong kahabaan ng Skyworld), Claudio St. (Generika hanggang Phoenix Café); Gov. Pack Road (harap ng Baguio Museum, harap ng Dept. of Tourism at Lions Club waiting shed hanggang entrance); Kayang-Hilltop (buong kahabaan ng right lane mula Magsaysay Ave. at mula Kiltipan Merhandise hanggang Dian Juat Furniture) at iba pang mga kalsada na maaaring tukuyin ng LTTMC sa orasna aprubahan ng konseho.

Sinabi ni Cabarrubias na ang scheme ay makakapag-ambag ng buwanang kita na PhP547,000 hanggang PhP947,000 sa kaban ng lungsod, “assuming that all slots will be filled for an eight-hour operation,” aniya.

Ang mga detalye ng pagpapatupad ay sasakupin ng Implementing Rules and Regulations na gagawin ng kinauukulang mga ahensiya at opisina sa oras na maaprubahan ang hakbang.

Sinabi ni City Administrator Bonifacio Dela Pena na ang scheme ay ipapatupad habang inaayos ng lungsod ang implementasyon ng parking building projects nito.

Nais ni Mayor Magaong na magtayo ng maraming parking buildings upang maibsan ang problema ng lungsod sa trapiko. Ang mga lugar na tinitingnan para sa paradahan ng mga sasakyan ay ang lugar ng Jadewell sa likod ng Ganza Restaurant na kakayanin ang 550 kotse, ang pribadong lote sa Abanao St., ang mayari nito ay pumayag ng magtayo ng isang modular parking structure, ang lugar sa City Hall Annex sa Baguio Fire Station kung saan plano ng lungsod na magtayo ng walong palapag na gusali na may parking facility para sa 450- 500; ang lugar sa old library na kung made-develop ay may dalawang basement car parks; ang Athletic Bowl kung saan isang modular parking facility ang itatayo rin; ang lote ng BIBAK sa Harrison Road; ang Wright Park (modular); ang likod ng Baguio Convention Center kung saan isang multi-level parking building ang itatayo na may 800 slots; ang pag-aari ng Government Service Insurance System (GSIS) malapit sa Victory Liner; at ang Bayan Park sa Bayan Park Village.

APR-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon