“Magpanibaong sigla muli Abreco”

Kinatigan kamakailan lamang ng Korte Suprema si Loreto Seares Jr. nang ito’y tanggalin ng National Electrification Administration (NEA) noong huling bahagi ng 2018 bilang Abra Electric Cooperative General Manager.

Base sa mga paratang ng mga administratibong paglabag, inilaglag si Seares Jr. halos mag-aapat na taon na mula sa katungkulan nito sa Abreco na nalugmok sa bilyong pagkakautang na hindi nabigyan ng solusyon umano ng opisyal.

Sa pagtalima ni Seares Jr. sa utos ng NEA, agad binakantehan ang posisyon ngunit naghain ito ng apila sa Court of Appeals na sa kasamaang palad ay muling pinagtibay ang unang desisyon ng NEA Board sa pagpapaalis sa kanya bilang general manager.

Nagtalaga ng NEA ng isang Task Force upang mangasiwa sa Abreco at sa tuluyan, nagtalaga na rin na kapalit ni Seares Jr. Ngunit ang mapagbirong tadhana’y pumanig kay Seares Jr. kamakailan lamang nang paboran ng Korte Suprema, ang pinakamataas ng Korte ng bansa.

Iniutos nitong ibalik ng NEA si Seares Jr. bilang General Manager, bukod pa’y ibigay nito ang sahod na hindi natanggap habang nililitis noon ang mga kaso.

Walang basehan, ani ng Korte Suprema, ang kanyang pagkakatanggal sa pwesto bagkus, pinapurihan pa ito ng pinakamataas ng korte na ginawa lahat ni Seares Jr. ang lubos na makakaya upang iahon at igapang ang kooperatiba sa kabila ng pagkalugmok nitong pinansyal na nagmula pa noong hindi pa siya ang namumuno nito.

Tila sinisi pa ng Korte Suprema ang NEA dahil sa hindi pagtulong nito sa Abreco sa mga kinakaharap na suliraning pinansyal.

Sa kabila nang nangyari, nagpapaabot pa rin ng pagtalima sa NEA, bilang tagapamahala ng mga electric cooperatives sa
bansa, ang nagbabalik na Abreco General Manager.

Aniya’y ang tagumpay nya sa halos apat na taong poot sa hinarap na mga paratang, ay hindi lamang sa kanyan kundi higit na tagumpay ng mahigit 30,000 consumer-members ng kooperatiba.

Hindi na dapat mag-atubili pa ang NEA sa kabila ng kabiguan nito, na tumalima sa utos ng Korte Suprema at ibalik na sa pamunuan si Seares Jr. upang makapagpanibagong sigla muli ang Abreco.

Amianan Balita Ngayon