MALAYO PA ANG ELEKSIYON… PERO…?!?!?#@&

Ano ba mga pards…? Napapa-maryusep na ba tayo sa mga isyu na may tonong pulitika na? Halatado, ika ng marami. Talagang super halatado, may bahid-pulitika na ang mga kaganapan ngayon. Balitaktakan dito, doon at diyan pa. di ka lang mapapa-maryusep, kundi mapapa-PWE KA PA. Apolohiya mga pards, pero kung minsan, kinakailangan na nating gamitan ng mabigat at bulgar na salita para matauhan ang matauhan. Bato-bato sa langit. Sige, upak na pards. Dati..mga mahahalagang panukalang batas lang ang isinasalang sa diskusyon sa Kongreso. Pero sa ngayon,
ibang-iba na. Hindi na lang mga panukalang batas po amyenda sa mga batas ang tinatalakay.

Nag-iimbestiga na sila. Nagiging imbestigador na ang ating mga mambabatas liban sa kanilang trabahong mambabatas. Bakit? Dahil sa marami na ang mga nangyayari sa ating sosyodad na dapat makalkal. Bakit? Kasi
itinatago at nagtatago sa kadiliman. Bakit? Kasi malalaking isda o buwaya ang mga sangkot. At pagkatapos mabulgar sa mga imbestigasyon ng kongreso (senado at lower house) irerekomenda nila sa tamang korte o sa DOJ para sa
aksiyon. Pero, sandali lang, pards…ito ang tanong: sa tambak na ng mga naimbestigahan, nabulgar, naupakan, napahiya, nakalkal ang moralidad sa talakan sa kongreso…ANO NA ANG NANGYARI? Hanggang detention na lang ba sa tayo?

Kaya nga ang sabi tuloy ng mga dimumano’y nadidikdik ay naghahamon na sila’y kasuhan sa mga tamang korte para sila magsalita at dumepensa. Haayyy naku..only in the Philippines. Kamakailan, dahil sa mga bulgarang naganap sa mga imbestigasyon sa Kongreso…muling rumepeke ang ngalangala ni dating Pangulong Digong lalo na sa isyu ng imbestigasyon daw ng ICC (International Criminal Court) dahil sa diumano’y isyu sa War On Drug sa nagdaang
administrasyon. Pinagpiyestahan muli ng taumbayan ang mga banatan. Kilala naman natin ang kartada
ng dila ng dating pangulo. Tanong: ano na ngayon? May nangyari na ba?

Natabunan na naman yata dahil pati pangalan ni Vice Pres. Sara Duterte ay nasangkot na. Diumano, ayon sa nagbulgar sa Senate Inquiry na siya daw ay nasa likud ng Oplan Tokhang noon. Wala tayong nahintay na sagot ng VP. Trabaho lang ang inatupag. Pero, hindi pa man humuhupa ang usok na ito, nagliyab na naman ang isa pang sunog: ito ang upak naman ng isang matapang-tapang na akusador na nagsabing silang mag-ama (Digong at Sara) ay dinadalhan daw ng ano ni Anak ng Diyos na si Pastor Quiboloy. Oh my garapon! Eh, anong sabi ni VP Sara? Abangan daw ang kanilang ginawang kasagutan. Ganern? Huwag maingay..hintay lang tayo.

Sa mga kontrobersiyang yan…tanong ng marami: asan na ang isyu ng sinasabing gusto nilang ihiwalay ang Mindanao sa mapa ng Pilipinas? Tsk tsk…hilong-talilong na si Juan dela Krus. Sa halip na ang pagtuonan sana ng pansin ay ang presyo ng bilihin, daing ng mga mahihirap, kahandahan sa El Nino at La Ninia, mga pambubully ng Tsina , kalusugan ng masa, illegal na importasyon, mga palusot at problema sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno at maraming iba pa kasama na ang mga programang pangkaunlaran din ng administrasyon. Pero parang naisasantabi ang mga yan dahil sa mga sumusulpot na mga isyung pinagkakabalahan ng ating mga opisyal.

Kaya tama ang sinabi ni VP Sara Duterte na: trabaho muna saka ang mga ito. Total, may mga nakahanda namang sagot na sa mga ipinupukol na akusasyon. Iisa lang ang nasisilip ng Daplis. PULITIKA AT PULITIKA pa rin. Malayo pa ang mga eleksiyon lalo na ang presidential (2028) pero marami na ang nag-aambisyon. Pwede ba, magtrabaho muna kayo para sa bayan? Ang kasalukuyan muna ang ating atupagin. Pairalin lagi ang respeto…respeto at respeto pa rin. EDSA Revolution Day na naman. Wala pa rin kayong pinagbago. Kayo pa rin ang mga bulok na wala talagang ginawa para sa bansa kundi magpula, mangutya at mag-ambisyon.

Kayo pa rin yung mga taong pansarili lang din ang hangad imbis nga at paunlarin sana ang Pilipinas. HINDI NAMAN PO SA NILALAHAT. Nguni’t kung isa kayo sa mga naturang klase ng Pilipino, NAKAKAHIYA KAYO SA TOTOO LANG. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon