MANDATORY FACEMASK SA INDOOR SETTINGS IPINAPATUPAD SA BAGUIO

BAGUIO CITY

Inilabas na ni Mayor Benjamin Magalong ang kanyang Executive Order No. 63, Series of 2023, na epektibo na noong Mayo 17, na nag-uutos sa paggamit ng face mask sa mga Indoor Space sa siyudad ng Baguio. Bago pa man ang EO, una ng nanawagan si Magalong sa mga residente at bisita na ugaliing muli na magsuot ng facemask, lalo na sa indoor settings, dahil tumataas ang bilang ng mga kaso ng Covid19 sa lungsod.

Ayon kay Magalong, ang pagsusuot ng face mask ay bahagi ng proactive stance ng lungsod, upang patuloy na maprotektahan ang kalusugan ng mga mamamayan. Pinapayuhan din ang mga residente at bisita na patuloy na magsagawa ng mga minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng facemask, pag-iwas sa pakikipagkamay, at regular na paghuhugas ng kamay. “Nakipag-ugnayan na rin ako sa mga pinuno ng Simbahan para obserbahan ang pagsusuot ng facemask at muling ipatupad ang minimum public health standards.

Iwasan muna natin ang pakikipagkamay, pero fist bumps muna, ito ay isang paraan para maiwasan
natin ang pagdami ng kaso ng Covid,” pahayag ni Magalong. Sinabi niya na ang mga tao ay hindi kinokontrol dahil ang utos ay nilayon lamang upang maprotektahan sila sa harap ng pagtaas ng mga kaso ng Covid. “Dito sa City Hall ipapatupad natin ang pagsusuot ng facemask sa mga empleyado at maging sa mga bisita,” diin ni Magalong.

Sinabi ni Magalong na ang pagtaas ng mga kaso ng Covid19 ay unti-unti, at sa mga nakalipas na araw ay nakakita naman ang kapansin-pansing pagbaba nito. Gayunpaman, sinabi ni Magalong na hindi maaaring makipagsapalaran ang lungsod, dahil walang planong higpitan ang paggalaw ng mga tao ngayong puspusan na ang mga aktibidad sa ekonomiya sa Summer Capital. “Hindi na kailangang kontrolin ang paggalaw o limitahan ang mga pagtitipon at kaganapan.

Mag-iingat lamang tayo na protektahan ang sarili, hindi lamang sa ating mga residente, kundi pati na rin ang mga residente ng mga kalapit na lugar pati na rin ang mga bisita mula sa iba pang
lokalidad sa pamamagitan ng pagsusuot ng mask sa mga panloob na lugar at sa pamamagitan ng pag-iwas sa pakikipagkamay at pag-fist bumping sa halip,” paliwanag ni Magalong. Sinabi niya na ang pagtaas ng mga kaso ay maaaring maiugnay sa bagong variant ng XBB.1.16 na pinangalanang
“Arcturus,” na sinasabing mas nakakahawa kaysa sa nangingibabaw na Omicron.

Aniya, ang mga sintomas ng mga kasalukuyang kaso sa ngayon ay banayad at mababa ang utilization rate ng ospital, kaya nananatili pa rin ang “Summer Capital” sa Alert Level 1 status. Ang pagbabago ng lagay ng panahon sa lungsod ay maaaring ang posibleng dahilan kung bakit madaling magkasakit ang isang tao.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon