May-ari ng camera store, ikinulong sa paglabag sa SSS Law

Nasentensyahan ng Mababang Hukuman ng pagkakakulong ang isang may-ari ng camera store dahil sa hindi pagreport sa mga empleyado nito at hindi pagbayad ng kontribusyon sa Social Security System (SSS) na malinaw na paglabag sa Republic Act 8282 o Social Security Act of 1997.
Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na hinatulan ng Mababang Hukuman ng Quezon City Branch 225 si Rogelio C. Almonina, presidente ng M20 Enterprises, ng hanggang 12 taon na pagkakakulong at pinagbabayad ng multang nagkakahalaga ng P10,000.
“Maliban sa pagkakakulong, inutusan din ng korte si Almonina na bayaran sa SSS ang mga kontribusyon ng kanyang mga empleyado mula Abril 2008 hanggang Setyembre 2013 na nagkakahalaga ng P31,548 at penalty na P51,824.47 na nakompyut hanggang Hulyo 31, 2015,” sabi ni Dooc.
Idinagdag ni Dooc na ang halagang babayaran ni Almonina ay magkakaroon ng tatlong porsyentong penalty kada buwan simula Hulyo 31, 2015 hanggang sa mabayaran ito.
Base sa desisyon, nagsagawa ang SSS ng pagsusuri sa M20 pagkaraang makatanggap ito ng reklamo mula kay Carlos Claveria, isa sa mga empleyado nito. Sinabi ni Claveria sa kanyang sulat na hindi siya inireport ng kanyang kumpanya sa SSS at hindi binayaran ang kanyang buwanang kontribusyon.
Bilang pagsunod sa polisiya ng ahensya, nagbigay ang SSS ng billing letter kay Almonina noong Nobyembre 26, 2013. Subalit, hindi niya ito pinansin kaya’t siya ay pinadalhan ng pangalawang billing letter noong 2014. Hindi pa rin sumunod si Almonina at hindi niya ginawa ang kanyang responsibilidad kaya nagbigay na ng demand letter ang SSS.
“Sa pagdinig ng kaso, pinili ni Almonina na huwag nang magharap ng ebidensya upang patunayan na walang katotohanan ang paratang laban sa kanya. Napatunayan ng SSS na hindi ginawa ni Almonina ang kanyang responsibilidad na ireport ang kanyang mga empleyado at bayaran ang karampatang kontribusyon ng mga ito,” sabi ni Dooc.
Ipinaliwanag ni Dooc na ang hindi pagrereport ng empleyado at hindi pagbabayad ng kontribusyon ay malinaw na paglabag sa batas ng SSS. Base sa Republic Act 8282, responsibilidad ng employer na ireport ang mga empleyado nito sa unang araw ng pagta-trabaho nito at bayaran ang kontribusyon sa loob ng 30 araw.
“Nais naming paalalahanan ang mga employers na sila ay may responsibilidad na ireport ang lahat ng kanilang empleyado at bayaran ang buwanang kontribusyon. Kapag hindi ihinuhulog ng employers ang kontribusyon sa SSS, ipinagkakait nila sa kanilang empleyado ang benepisyong para sa kanila at hindi ito hahayaan ng SSS,” babala ni Dooc. SSS MEDIA AFFAIRS DEPARTMENT/ PR / ABN

Amianan Balita Ngayon