Mekaniko, huli sa rape ng 2 minor

LA TRINIDAD, Benguet – Isang mekaniko na nanggahasa sa dalawang menor de edad na estudyante ang nadakip ng mga tauhan ng La Trinidad Municipal Police Station sa kanyang bahay sa Barangay Wangal, ng bayang ito.

Nabatid kay Police Colonel Elmer Ragay, provincial director ng Benguet Provincial Police Office, ang suspek na si Jheyrald Cayas Genove, 19, ay naitala bilang No.8 Top Most Wanted Person ng Police Regional Regional Office-Cordillera sa unang quarter ng taong 2020.

Sa imbestigasyon, ang unang biktima ay isang 13 taon gulang na estudyante na nakipag-inuman sa suspek noong Mayo 12, 2018. Nang malasing ang biktima ay sinamantala umano ng suspek na dalhin ito sa kanyang lugar at doon pinagsamantalahan.

Ang ikalawang biktima ay isang 13 years old din na estudyante, na naganap noong Hulyo 1, 2019. Ang biktima,kasama ang kaibigan ay nagtungo sa boarding house ng isang kaibigan at nagkayayaan na mag-inuman.

Nang malasing ay nagtungo siya sa kuwarto ng kabigan at natulog sa ikalawang palapag ng double deck, nang pasukin umano ito ng suspek at nakitulog din sa kanya. Naramdaman na lamang umano ng biktima na hinuhubaran siya ng suspek at sapilitang pinagsamantalahan.

Ang suspek ay nadakip ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest sa kasong 2 counts of rape, noong Enero 24, na inisyu ni Judge Marietta S. Brawner-Cualing, ng Branch 9, Regional Trial Court, La Trinidad, Benguet, na walang kaukulang piyansa.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon