Mga apektadong residente sa sagupaan sa MP, nabigyan ng tulong

BAUKO, Mountain Province – Sinabi ni Mayor Abraham Akilit noong nakaraang Biyernes na uumpisahan na nilang magbigay ng psychological intervention sa mga residente ng limang barangay dito, kung saan nagsagupa ang mga tropa ng gobyerno at mga rebeldeng NPA sa loob ng ilang araw.

“May mga na-trauma na kailangan i-debrief sila. Nagkaroon ng pagpupulong para planuhin kung paano gawin ang debriefing sa mga barangay ng Balintaugan, Bila, Bagnen proper, Bagnen Oriente, Poblacion at Abatan,” ani Akilit.

Sinabi ng mayor na inutusan niya ang lahat ng departamento sa lokal na gobyerno na umpisahan ang mahalagang plano sa pagsasagawa ng debriefing ng mahigit 1,000 residente na natrauma
sanhi ng ilang araw na bakbakan.

Ang debriefing ay isasagawa ng municipal social work office, kasama ang municipal health office at Department of Health.

Ayon kay Akilit, unang pagkakataon na maranasan ng mga tao sa Bauko ang isang armadong sagupaan.

“This is the first time na nakarinig sila ng ganun na firefight, malalakas na weaponry ang nagamit saka mahaba pa ang oras na nagbabakbakan. Ang mga tao they were afraid. They are still in the state of recovery,” pahayag ng mayor.

“We need to give them something to do to forget this event,” dagdag niya.

Una dito ay sinabi ni Police Regional Office Cordillera(PROCOR) director Israel Ephraim Dickson sa mga mamahayag na ang sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at mga rebelde ay nag-umpisa noong Marso 29, kaalinsabay ng ika-50 anibersaryo ng NPA.

Isang pulis ang namatay habang isa naman ang nasugatan na nag-udyok sa liderato ng PNP na iutos ang isang operasyon para tugisin ang mga tumatakas na rebelde.

Sa kasagsagan ng pagtugis ay isa na namang pulis ang namatay at siyam na iba pa ang nasugatan sa pagsabog ng anti-personnel mine (APM).

Sinabi ni Akilit na dahil sa sagupaan ay natigil ang mga aktibidad sa turismo, na siyang karagdagang pinagmumulan ng ikinabubuhay ng mga residente ng bayan.

Lahat ng aktibidad sa pagsasaka ay pansamantalang ipinagbawal din. “They [residents] have not gone back to their normal activities.

We have still canceled their going to the ricefields kasi di natin alam kung may biglang putukan ay maiwasan ang casualty,” aniya.

Sinabi ni Local Disaster Risk Reduction Management Council (LDRRMC) officer-in-charge Mark Na-oy na may naipamahagi nang mga food pack, family pack at hygiene kit mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residente matapos kumalma ang sagupaan.

Sinabi ni Akilit na may ilang residente mula sa limang barangay, lalo na sa Sitio Cotcot, Barangay Poblacion ang napuwersang lisanin ang kanilang tahanan nang sumabog ang APM.
Habang wala pang update sa operasyon ng militar at police, nagpahayag ng kumpiyansa si Akilit na nagsasagawa pa ng clearing operations ang mga tropa ng gobyerno sa mga kabundukan ng mga APM.

Sinabi niya na hiniling niya sa police at militar na linisin ang mga kabundukan ng mga APM, siguruhin na wala ng bomba na natitira sa lugar.

“Let us have peace in Bauko,” ani Akilit, habang nanawagan sa militar at police, gayundin sa mga rebelde na huwag dalhin ang kanilang mga armas sa bayan.

“Walang armado, mag karate na lang sila mas maganda pa yan kesa may dalang baril na pag maglalaban sila may madadamay,” ani mayor.

Dagdag pa ni Akilit na pinag-aaralan niya ang panukala ng ilang sektor na ideklara ang Bauko bilang isang peace zone.

Noong Marso 5 ay naglagay ng mga checkpoint sa Bauko at ilang bahagi ng national highway sa Halsema patungo sa kabiserang bayan ng Bontoc upang masiguro ang kaligtasan at seguridad.

PNA/PMCJr./ABN

Amianan Balita Ngayon