Mga banal, ingatan

Banal na tao, santong kabayo…. may ganitong linya ang isang kanta na nakakatuwa dahil buti pa ang aso, may banal at buti pa ang mga kabayo, may santo kumpara sa mga tao.

Kung kayo ang aming tatanungin, dahil katatapos lang ang mahal na araw at tiyak na nakapagngilin na kayo, ano ang inyong say kung sasabihin naming ang mga banal dapat pag-ingatan. Bakit?

Sundan ang mga kabanalbanalang mga eksena sa ating buhay. Pero bago sa lahat, batobato sa langit, huwag ka sanang mabukulan:

******

Alam niyo ba na sa loob ng mga simbahan (bahay ng Diyos) ay may mga banal? Sila yong mga taimtim na nagdarasal pero sa likud nila meron ding isang klase ng banal, banal na magnanakaw.

Nagdarasal muna bago sikwatin ang inyong bag habang kayo ay nakapikit na nagdarasal.

Meron ding banal daw na mga rapists. Sila yong mga mangmomolestiya at pumapatay pero pag nahuli, humihingi ng patawad.

Meron ding mga banal na kotongero na matapos mangotong, hihingi rin ng sorry sa kinotongan.

May mga akala mo Robin Hood na mga banal na matapos magnakaw ay ipapamudmod daw sa mahihirap ang ninakaw.

Natural, nag-iiwan din para sa kanyang bituka. May mga banal daw na nagpapautang, kasi nakakatulong daw sila ng malaki sa mga mahihirap pero sasakmal naman sila ng napakataas na porsiyento at sasakmalin ka na sa leeg kung di ka makabayad.

Marami pa, pards. Sundan natin kung ano ang mga anak ng pating na mga banal:
******
Sa katatapos na Mahal na Araw, marami tayong nakitang mga nagpepenitensiya. May mga hinahagupit ang sarili, may nagpapapako at kulang na lamang na mag-suicide.

Pero tanong: wala kayang mga banal na penitensiyador? Sabi nila, meron daw kasi pagkatapos ng mahal na araw, labas-pasok muli siya sa kulungan. Dating gawi, ika.

Meron din daw banal na pusher kasi ang ginagawa daw niya ay alam niyang labag sa batas pero para daw ito sa kapakanan ng naghihirap niyang pamilya.

Banal nga ang utak nito. Ang makasira ng maraming buhay. Banal ba yan, pards? Baka nakakalimutan mo ang banta ni Pres. Duterte: “huwag mong sirain ang mga kabataan, mamamatay ka”.

Wala ring ligtas sa mata ng tao ang mga banal na pulitiko. Para silang mga maamong butiki noong panahon ng kampanya, pero nang makaupo, sila na ang taguring Banal na Buwaya.

Meron pa ngang nagmamalaking banal daw silang mapagmalasakit. Kuntudo upak sila kontra droga, krimen, at korapsiyon pero sa likud niyan sandamukal na ang nakurakot at hinuthot sa mga inuupakan.

Yan ang sabi ni Pres. Digong na “attack and collect”. Banal ba ang mga yan?

******
Marami pa ang mga banal na nagtatago sa kadiliman at tumatayming ng mabibiktima. Gaya ng mga banal na awtoridad. Para hindi makulong ang nahuling kriminal, hinihingan ng malaking halaga.

Meron ding tinatawag na banal na sikyo. Pag nakatalikud ang amo, ninanakawan na ang binabantayan. Walang pinagiba sa kasabihang: wala raw ligtas sa santong paspasan.

Ito pa, pards ang isang santong mister daw. Hindi siya nambabae, pero nanlalaki lang. Idagdag pa natin ang isang kabanal-banalang laging laman ng simbahan.

Lumalakad paluhod tungo sa altar si demonyita pero paglabas, reyna na ulit siya ng inggit at tsismisan.

Ang nakakatakot, yung mga kuno ay mga banal na may bitbit pang bibliya. Pero ang laman ay shabu at marijuana. Hay buhay nga naman.

Sa dami ng mga banal (kuno) sa sosyodad, papano ka pa magtitiwala? Sumatotal, mas marami ang mga pekeng banal kaysa mga tunay. Ingat. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon