Mga kasambahay sa CAR, may dagdag P1k sa suweldo

LUNGSOD NG BAGUIO – Tataas ang minimum wage ng mga kasambahay (domestic workers) sa rehiyon ng Cordillera ng PhP500 hanggang PhP1,000 na mag-uumpisa ngayong Mayo 1, ito ang inanunsiyo ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Cordillera Administrative Region (RTWPB-CAR).
Ang RTWPB Wage Order No. 3 na inilabas noong Marso 12 ay nagtataas sa minimum wage ng sektor ng PhP1,000 mula sa nakaraang minimum wage rate na PhP3,000 sa mga lungsod at first class municipalities, at ng PhP500 mula sa nakaraang PhP2,500 sa ibang munisipalidad.
“On May 1, domestic workers in first class municipalities and cities in the Cordillera will have a minimum wage of PHP4,000 and PHP3,000 for the other municipalities,” ani Board secretary, Augusto Aquillo.
Sa ilalim ng kautusan, dapat ibigay ng mga employer ang mga pangunahing pangangailangan ng mga domestic helper kabilang ang tatlong maayos na pagkain sa isang araw at isang makataong
tulugan upang masiguro ang kaligtasan nila.
“The employer shall provide appropriate rest and assistance to the domestic helper in case of illness and injuries sustained during service,” nakasaad din sa kautusan.
Sinabi ni Aquillo na babantayan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa rehiyon ang pagtugon ng mga employer.
Ayon naman kay Baguio Public Information Officer Romelda Escaño, mayroong 180 rehistradong kasambahay sa Baguio.
Sinabi din niya na sa ilalim ng batas, ang mga kasambahay ay dapat nakaenroll sa Social Security System at PhliHealth.
 
PNA/PMCJr/ABN

Amianan Balita Ngayon