Mga klase, suspendido sa Pebrero 1 at Marso 2

Iniutos ni Mayor Mauricio Domogan ang pagsuspinde sa mga klase sa elementarya at sekondarya sa Pebrero 1 at sa kolehiyo naman sa Marso 2 para sa pagdiriwang ng lungsod ng 24th Baguio Flower Festival o Panagbenga.
Sa pamamagitan ng Administrative Order No. 78-2019, sinabi ng mayor na ito ay upang walang maging hadlang sa partisipasyon ng mga estudyante at ng publiko sa pangkalahatan sa mga isasagawang aktibidad sa Panagbenga sa naturang mga araw.
Sa Pebrero 1, Biyernes, ay naitakda ang grand opening parade ng Panagbenga at dito rin gaganapin ang elimination round ng street dancing contest para sa mga partisipanteng paaralan ng elementarya at sekondarya.
Sa Marso 2, Sabado, ay gaganapin naman ang grand street dancing parade.
“The 24th edition of Panagbenga with the theme ‘Blooming Forward’ will be held from February 1 to March 10, 2019 where numerous traditional and community-led and government-supported activities will be conducted to boost the city’s robust tourism industry,” saad ng mayor.
“The grand opening parade (will) jumpstart the bigger and better activities lined up for the month-long festivities in the city (while) the grand street parade will feature the finalists in the elementary, secondary and open categories,” dagdag nito.
Samantala, nilinaw din ng mayor na ang naturang pagsuspinde ng mga klase ay inihayag lamang matapos ang konsultasyon sa mga opisyal ng Department of Education Division of City Schools.
APRefuerzo/ABN

Amianan Balita Ngayon