Mga politiko, bawal mangampanya sa Panagbenga

Nagbabala ang mga lokal na opisyal at organizers ng 24th edition ng Panagbenga o Baguio Flower Festival sa mga kumakandidato sa eleksyon at kanilang mga taga-suporta na huwag samantalahin para mangampanya ang pagdagsa ng mga tao sa lungsod sa gaganaping grand street dancing at grand float parade.
Ayon kay Mayor Mauricio G. Domogan, ang mga national candidates ay papayagang sumama sa dalawang parada ngunit bawal sa kanila na umalis sa kanilang linya upang makipagkamay sa mga nanonood at magpamigay ng election paraphernalia.
“We want the presence of national candidates in the two major flower festival parades for them to avail of the huge crowd that will be witnessing the said events but they should strictly adhere to the prescribed rules and regulations in the conduct of the said activities to ensure orderliness and prevent the unnecessary interruption while the said events are underway,” ani Domogan.
Ang grand street dancing parade ay naitakda sa Marso 2,2019 habang ang grand float parade ay gaganapin sa Marso 3. Libo-libong dayuhan at lokal na turista ang inaasahang dadagsa at manonood sa mga naturang parada.
Sinabi ni Anthony de Leon, general manager ng Baguio Country Club (BCC) at co-chairman ng Panagbenga Organizing Committee, na ayaw na ng mga organizers na maulit ang mga nakaraang pangyayari kung saan ang mga kandidatong sumama sa parada ay lumabag sa alituntunin at nakipagkamay sa mga nanonood habang ginaganap ang parada na nagresulta sa pagkasira ng daloy ng parada mula sa umpisa hanggang sa makarating sa Baguio Athletic Bowl.
Aniya, ang mga suporter ng mga kandidato ay hindi pinagbabawalang magpamigay ng election paraphernalia sa mga manonood ngunit kailangan pa rin nilang sumunod sa kaayusan upang hindi magambala ang daloy ng parada at hindi mahati ang atensyon ng mga manonood.
Paliwanag pa niya na ang mga coordinators ng mga kandidato na nakikipag-ugnayan sa kanila tungkol sa rules and regulation ng pangangampanya sa dalawang tampok na parada ng Panagbenga ay pinapaalalahanan sa mga dapat masunod sa parada.
Aniya, umaasa ang mga organizers na walang kandidatong magiging pasaway sa kanilang pakikilahok sa dalawang parada.
Ang Panagbenga ay ang nag-iisang festival sa bansa na kabilang sa listahan ng mga pagdiriwang sa buong mundo na bumubuo sa International Festivals Association.
Umapela si De Leon sa mga interesadong national candidates at kanilang mga taga-suporta na nagnanais lumahok sa dalawang parada para makipag-ugnayan sa Panagbenga Organizing Committee upang malaman ng mga ito ang mga alituntunin at iba pang mahahalagang bagay na dapat nilang isaalang-alang upang hindi sila maging tampulan ng kritisismo ng publiko bunsod ng kanilang paglabag.
BAGUIO PIO

Amianan Balita Ngayon