Mga pulis ng Pangasinan, bawal na sa restobars

LUNGSOD NG URDANETA, Pangasinan – Iginiit ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) director sa kanyang nasasakupang kapulisan ang pagbabawal na pumasok sa mga restaurant-bars matapos na apat na pulis ang nasangkot sa pamamaril sa isang restobar noong Linggo (Disyembre 31, 2018).
Ayon kay Senior Supt. Wilson Lopez, ang apat na pulis ay nasa magkakaibang grupo nang nangyari ang pamamaril dakong 8:30 ng gabi sa loob ng Station 22 RestoBar sa Barangay San Vicente lungsod na ito.
Kinilala ni Lopez ang mga pulis na sina Chief Insp. Napoleon Eleccion Jr. ng 2nd Pangasinan Provincial Mobile Force Company na nakabase sa Tayug, Pangasinan; PO1 Nathaniel Eleccion ng Regional Mobile Force Battalion1; Insp. Marvin Tacdol ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory, Camp Crame; at kapatid nitong si SPO2 Ryan Tacdol ng PNP Police Security and Protection Group.
Kasama ni Eleccion ang kapatid na si Nolan at ama na si Napoleon, 60. Lahat ay residente ng Barangay Bugayon sa bayan ng Binalonan.
Ang magkapatid na Tacdol naman ay kasama ang isa pang kapatid na si David, may-ari ng restobar, pawang mula sa Barangay Cabuloan, Urdaneta City.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na bago nangyari ang insidente, ang dalawang grupo ay nag-iinuman sa naturang restobar. Nilapitan ng grupo ni Eleccion ang magkapatid na Tacdol matapos nilang mapansin ang bagay na nakaumbok sa baywang ng isa sa magkapatid.
“PCI Eleccion allegedly introduced himself and asked why they are carrying guns. There and then, a commotion ensued which resulted to the grappling of firearms between the two groups after which gunfire was heard,” pahayag ni Lopez.
Bilang resulta ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang palad si PCI Eleccion habang sugatan naman si SPO2 Tacdol sa kaliwang itaas na bahagi ng tiyan nito.
“Together they went to the hospital when they learned they are policemen,” ani Lopez. Sila ay kapwa dinala sa Urdaneta Sacred Heart Hospital, aniya.
Inilahad ni Lopez na ang agad niyang ginawang aksyon sibakin si Chief Insp. Eleccion mula sa pwesto nito at inilipat ito sa Pangasinan PNP Personnel Holding and Accounting Unit sa provincial headquarters.
Idinagdag ni Lopez na nagsumite na ito ng endorsement sa Police Regional Office 1 (PRO 1) kaugnay ng tatlo pang pulis na mula sa ibang units ng PNP.
“A reminder to all policemen that we are prohibited to enter a restobar, especially when we are carrying our firearms,” ani Lopez sa mga pulis ng Pangasinan.
L.YPARRAGUIRRE, PNA/ABN

Amianan Balita Ngayon