MGA SANA MAGKATOTONG KAGANAPAN!

Ilang araw na lang…PASKO na. At sa tuwing ganitong pagkakataon, laging nauusal ang mga nagsisimula sa katagang – SANA. Magkakatotoo sana lahat ang mga ito: SANA magkatotoo ang
pangarap na beinte pesos kada kilo ng bigas. Halos umabot na nga sa P60. kada kilo ang mga
masasarap at mabangong bigas. Pati nga raw yong mga may bukbok eh…mahal na rin. Baka naman, mahal talaga ang bukbok. Sabi ng marami…pati nga mga magsasaka…umaangal na rin daw sa presyo ng bigas. Kasi nga, ang inaani nilang palay ay naipambayad na sa mga inutang na abuno at pestisidyo.

Kaya ang bagsak, pati silang tagapunla, bumibili na rin ng mahal na bigas. Buti pa raw ang mga
mangingisda, di nila kailangan ng abuno. Ang problema lang nila ay mga barko ng Intsik na
humaharang sa kanilang pangingisda. SANA, magwakas na ang tensiyon sa West Philippine Sea.
Ang kaso, parang lumalala yata, upak ng ilang observers. Sabagay, hindi lang daw tayo sa Asya ang ginaganito ng Tsina. May mga bansa ring umaangal dahil sa mga pambubully ng bansang ito.

Kamakailan , kinanyon na naman ng tubig ng barko ng Tsina ang ating mga barkong magdadala sana ng ayuda o suplay sa ating mga kababayan sa ilang isla at sa BRP Siera Madre. Matigas ang paninindigan ng ating Pangulong Bongbong na di tayo susuko at ipaglaban ang karapatan para hindi mabawasan kahit katiting ang ating teritoryo. . Tuloy, naiisip ng ilang kababayan natin: eh
kung kanyonin din natin sila ng tubig? May gamit ba tayo? At kung sakaling meron, ano kaya ang susunod na mangyayari pag nagkataon?

Di bale sana kung hanggang sa kanyonan lang ng tubig. Paano kung putukan na ang mangyayari? Di giyera na? Maryusep. Huwag naman sanang humantong sa ganitong eksena. Malapit na ang Dec. 31…deadline na ibinigay para sa konsolidasyon ng mga sasakyang pampubliko – o tradisyonal na jeep. Ayon sa ulat ng Malakanyang…may 70% ng mga driver-operators ang nagpahayag ng pagsangayon sa konsolidasyon. Eh, papano yong nasa trenta porsiyento? Pagkatapos ng deadline, ano kaya ang mangyayari?

Hindi na raw makakapasada ang mga hindi sumapi sa konsolidasyon. Ibig sabihin, marami ang mawawalan ng trabaho. Lalo ang mga tsuper na nakikipasada lang. Marami ang magugutom, ika nila. Tiyak, kabi-kabila na naman ang mga protesta pag nagkataon. Malaking problema ito, pards, di ba? Nangyari na ang ganitong mga eksena sa mga nagdaang administrasyon hanggang sa
nagkaroon pa tayo ng kudeta. Di na dapat humantong sa ganito. Pagod na ang taumbayan sa ganitong buhay.

Di lang sa transportasyon may tensiyon. Nariyan pa ang problema natin sa presyo ng mga bilihin lalo na yong mga galing pa sa ibang bansa. Idagdag mo pa ang problema sa illegal na droga na kahit marami na ang nahuhuli ay parang hindi natitinag ang illegal na kalakarang ito. SANA sa pagpasok ng bagong taon, may pagbabago sa buhay o katuparan ng mga pangarap. SANA lahat ng ating
mithiin ay magkakaroon ng kaganapan. SANA, magsipag tayo. SANA magbago na tayo, bago mahuli ang lahat. Hay naku… andaming SANA. Adios mi amor chiao, mabalos.

FINDING MACLI-ING DULAG

Amianan Balita Ngayon