Mga tindahan ng bulaklak sa Harrison Road, ililipat

LUNGSOD NG BAGUIO – Balak ilipat ng pamahalaang lokal sa lugar malapit sa Ganza Restaurant and Parking Area ang may 30 tindahan ng bulaklak na kasalukuyang nakapwesto malapit sa bakod na itinayo ng Bishop’s Foundation sa Harrison Road sa lalong madaling panahon, para mabawasan ang “eyesore” sa mga pangunahing kalsada sa lungsod.

Iniutos ni Mayor Benjamin B. Magalong sa City Engineering Office (CEO) ang agarang pag-aayos sa lugar kung saan ililipat ang mga nasabing tindahan para ang mga ito ay mailipat sa loob ng dalawang linggo.

Bukod sa iba pang pagkukumpuni, lalagyan ng graba ang lugar bago ito lilipatan upang hindi magiging maputik na maaring maging sanhi upang mawalan sila ng mga kliyente.

Inihayag ni City Engineer Edgardo Victorio Olpindo na kayang maglaman ng 35 na flower stall ang lugar na paglilipatan ng 30 na mga flower vendor sa Harrison Road.

Aniya, mahalaga din para sa lokal na pamahalaan na maglaan ng disenteng lugar na paglilipatan sa mga nasabing flower vendor para sa maayos na pagpapatuloy ng kanilang pangangalakal.

Magugunita na ang mga flower vendor ay natinag noong pinaalis ang mga “ambulant vendor” sa public market at sa lahat ng mga bangketa sa lungsod at ang nasabing lugar sa Harrison Road ang ipinagkaloob sa kanila ng dating administrasyon sa kundisyon na sila ay tumulong sa pagpapanatili ng kalinisan sa lugar bukod sa pagpapaganda ng matagal nang itinayong bakod ng Burnham Park.

Hiniling ni Magalong sa mga flower vendor ang kanilang pakikipagtulungan sa pagpupunyagi ng pamahalaang lokal na maisaayos ang Central Business District at isaalangalang ang lugar na kanilang lilipatan para na rin sa pagpapatuloy ng kanilang kapaki-pakinabang na kalakalan na itinataguyod ng mga turista pati mga residente ng siyudad.

Kamakailan lamang ay binalak din ilipat ng lokal na pamahalaan sa Burnham Lake Drive ang kasalukuyang night market sa Harrison Road matapos makatanggap ng pormal na abiso mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa agarang paglipat nito dahil umano nakakasagabal ito sa maayos na daloy ng trapiko sa national road na sakop ng hurisdiksyon ng nasabing departamento.

Ang 30 flower vendor sa Harrison Road ay iniulat na may mga business permit at nagbabayad ng kanilang mga regulatory fee sa pamahalaang lokal mula pa noong sila ay inilipat galing sa kanilang dating kinalalagyan sa Magsaysay Avenue.

Nagpahayag naman ng pag-asa si Mayor Magalong na ang mga vendor ay masisiyahan sa inialok nilang lugar na kanilang lilipatan sa waring ang ay lugar ay kailangan nang gawing maaliwalas para mabigyang-daan ang mga angkop na pagpapabuti sa mga front box sa kahabaan ng Harrison Road.

DAS-PIO/MDR-ABN

Amianan Balita Ngayon