NGIPIN SA NGIPIN NA SA WPS!!!??

Maryusep! Ano kaya ang susunod na eksena sa WPS (West Phil. Sea) kung kakasa tayo ng ngipin sa
ngipin? Pananaw ng mga praktikal: hindi raw uubra sa WPS ang sagupaan nina Magellan at Lapulapu; galing ni David kontra Goliath; bato ni Darna o kaya’y mga ahas ni Zuma. Siguro ibang
taktika ang gagamitin natin. Maaring ala-Dyesebel tayong maamong serena pero marami tayong mga siyukoy na mga alalay sa paligid.

O dili kaya’y estilo ng pagtatagpo nina Romeo at Juliet – gagamit si Romeo ng fire ladder ng Fire truck para makaakyat sa mataas na torre kung nasaan si Juliet. In short, sa ngayon, mahirap ang ngipin sa ngipin o braso sa braso. Sabi nila, kahit pa kamay na bakal ang gamitin mo baka matutunaw lang ito sa init ng apuy ng kalaban. Relaks lang daw, sabi ng mga analysts na mapagpasensiya: makakahanap pa rin tayo ng paraan upang masolusyunan ang alitan sa terotoryo.

Kung sa mga nagdaang panahon…may mga pagtataboy na ginawa ang China sa ating mga sasakyang nagdadala lang sana ng rasyon sa BRP Sierra Madre. Ginamitan pa tayo ng water cannon, paglalagay ng boya at mga sagabal. Pero nakakalusot pa rin tayo. Iisa lang ang inilalaban natin: tapang at determinasyon kasama ang pasensiya. Ang kaso, kamakailan lang, matindi na
ang ginawa ng China Coast Guard na CCGV 5203 na bumangga sa dalawang resupply boat ng Armed Forces of the Phil. (AFP) sa may Ayungin Shoal. Delikado na ito dahil nanganib ang buhay
ng ating mga kababayan na sakay ng mga binangga – UM2 at NTF.

Ang masaklap pa dito nanindigan ang China Coast Guard na legal daw ang kanilang pagharang sa mga barko ng Pilipinas kasi, ayon sa kanila…illegal daw ang pagdadala natin ng mga construction materials sa BRP Sierra Madre. Pinalalabas nila na tayo pa ang may kasalanan sa isyu ng banggaan.
Napakaliwanag ang mga inilabas na mga larawan kung papano binangga ng mga malalaking barko ng Tsina ang mga maliliit nating supply boat ng AFP.

Dahil sa nangyaring baggaan sa Ayungin Shoal…naisip ng ilang opisyal ng AFP na gamitin na ang mga barko ng Phil. Navy sa re-supply sa BRP Sierra Madre kasabay ang mga malalaki ring sasakyan
ng Phil. Coast Guard. Yan na ang maaring eksena ng ngipin sa ngipin. Kung ganito ang sistema, ano kaya naman ang magiging reaksiyon ng China? Saka natin yan pag-usapan. Ang matindi kasi, nang mag-usap ang ating Pangulong Bongbong Marcos Jr at Presidente ng Tsina…maayos naman (daw) ang lahat hinggil sa isyu ng territorial claim. Pero bakit iba ang mga nangyayari sa WPS?

Ibig bang sabihin na hindi sinusunod ng China ang napagusapan? Ibig bang sabihin na maamo sa salita pero taliwas sa gawa? Kasi ang pagbangga sa mga sasakyang dagat ng Pilipinas ay patunay na
binabalewala ng China ang panuntunan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS) at ang 2016 Arbitral Award. Sa mga eksenang ito…masisisi ba natin ang ating kababayan na magngitngit at igigiit na ang “NGIPIN SA NGIPIN”? Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon