“PURSIGIDO BA ANG GOBYERNO KONTRA E-SABONG?”

Kung pursigido ang gobyernong BBM kontra electronic sabong, nagawa na sana nitong mahiling sa Regional Trial Court ng Urdaneta City, Pangasinan ang warrant of arrest laban sa 23 akusado sa esabong operation ng ‘Global Talpakeros-Online Sabong’. Ilang linggo naman nang hinihingi ng Office of the Provincial Prosecutor ng Pangasinan mula sa RTC Urdaneta City ang “arrest warrant” laban kina Rizalina at Simplicio Castro at anak na si Jewel Castro, at 20 pang mga kasamahang una nang hinuli ng CIDG sa raid noon pang Agosto sa sabungan sa barangay Baligi, bayan ng Laoac, Pangasinan.

Ngunit bigo pa rin mapasakamay sa CIDG ang ‘mandamyento de aresto’ upang maisakdal na ang
mag anak na Castro at mga alipores nito sa iligal nilang gawin noon sa Laoac, Pangasinan. Kung mga katulad ba ng mga operator ng e-sabong gaya ng ‘Global Talpakeros-Online Sabong’ na mga milyonaryo’tbilyonaryo’y ganung katagal aabutin ang paglabas ng warrant of arrest? Malinaw ang kabiguan ng 23 akusado na dumalo sa October 5, 2023 arraignment.

Nangangahulugan lamang nito’y hindi kinikilala ng mga akusado ang RTC Urdaneta City at tahasang pagsaway sa mandatong presensya nila upang harapin and kinasasangkutang pagkakasala sa batas. Ang raid sa ‘Global Talpakeros-Online Sabong’ ay tinaguriang pinakamalaking raid ng pamahalaang BBM kontra sa e-sabong sa Luzon. Magpapahiwatig sana sa mga iligalista ang
kaseryosohang ng gobyernong BBM ang tuluyan nang pagsasawata ng e-sabong sa Luzon at iba pang pook sa bansa ang tuwirang pagkasakdal ng mga operator at alipores nito.

Ngunit kung mananatiling malamya ang pamumursige ng pamahalaan sa nais nitong mahinto ang e-sabong, tiyak din ang masigabong sigla ng mga e-sabong operations na naglipana saan mang dako na kahit ilang ulit ma-raid, mahuli at sa huli’y laya pa rin upang makapag-buo na naman ng
panibagong operasyon!

Amianan Balita Ngayon